top of page
Pokwang.jpg

Mga motoristang wa’ paki sa batas-trapiko, sampulan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 7, 2019
2 min read

MABUTI naman at umulan nitong mga nakaraang araw, bagama’t, hindi nagtuluy-tuloy, sapat na ang pag-uulan para bahagyang madagdagan ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ayon sa website ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 161.86 meters ang lebel ng tubig nito noong Huwebes ng umaga, pero dahil tumigil muli ang ulan, malamang, muling bababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Gayunman, dapat pa rin tayong magpasalamat dahil umuulan sa ating bansa. Ayon sa ulat ng CNN, may mga lugar sa India na umabot ng 48 antas ang sentigrado at dahil dito, may mga lugar na halos hindi na kayang tirhan ng tao.

Bagama’t, may tag-ulan din sila tulad natin, kada taon ay pahaba nang pahaba ang tag-init bukod sa tumitindi ito. Nga­yong taon, mahigit 100 tao na ang namatay dahil sa sobrang init. Kaugnay nito ay nauubusan na rin sila ng tubig na mas malala pa kumpara sa atin.

◘◘◘

Karamihan sa mga intersection ngayon sa Metro Manila, may timer na ang traffic signal. Marahil, upang madaling malaman ng motorista kung kailan siya malapit nang huminto o dapat alalayan ang paghinto para huwag nang magpumilit at maging sagabal lang sa ibang sasakyan.

Kung malapit nang maubos ang oras natin, huwag nang magpumilit tumawid, lalo na kung matindi ang trapiko sa ating hanay.

Ang nakadidismaya, may ilang motorista na hindi maintindihan o ayaw sundin ang mga timer na ‘yan. Nakita nang matindi ang trapik sa tatawiran, pipilitin pang makatawid. Tsk!

Sana, mahigpit na ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang yellow box. Ito ang lugar kung saan hindi dapat nakababara ang mga sasakyan. Kapag may nakitang nakahinto sa loob ng yellow box, hulihin na agad, wala nang tanung-tanong o paliwanag pa. May ilang intersection na mahigpit na ipinatutupad ng MMDA ang yellow box, pero hindi lahat ng nilagyan ng yellow box ay nababantayan. Madalang ang mga sasakyan na sumusunod sa yellow box, ‘yan ang mga masarap pasalamatan habang bumabaybay sa kalsada. Kung lahat lang sana ay may disiplina, hindi tayo mauuwi sa katakut-takot na trapiko, araw-araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page