top of page
Pokwang.jpg

ARDINA AT GUCE, MATINGKAD ANG LARO SA LPGA CLASSIC

Eddie M. Paez, Jr.
Jul 7, 2019
2 min read

NAGPATULOY ang paglalakbay ng mga Pinay golfers na sina Dottie Ardina at Clariss Guce papunta sa makinang na pagtatapos sa ginaganap na 2019 Thornberry Creek Ladies Professional Golf Association (LPGA) Classic matapos silang humataw ng sub-par performances sa Thornberry Creek at Oneida - Legends Championships Course ng Wisconsin.

Swak na sa top 20 si Ardina, 2018 Symetra Tour Moneyboard no. 2, dahil kumartada ang taga-Laguna, manlalaro ng 9-under-par 135, pagkatapos ng round 2 ng bakbakang nagpauwi na ng 70 lady golfers dahil sa hindi nag-qualify sa weekend play. Pumalo ng 5-under-par 67 ang Pinay sa pangalawang round sa tulong ng tatlong birdies sa unang siyam na butas (hole nos. 1, 3 and 7) bago uli nagtala ng tatlo pang birdies (hole nos. 12, 14 at 15) laban sa isang bogey (hole no. 11) sa back nine. Ito ay mas maigi rin sa kanyang 4-under-par 68 na naisumite noong opening round (5 birdies at 1 bogey). Tangka ng dating premyadong jungolfer ng bansa na maiposte ngayong taong ito ang kanyang pinakamakinang na paglalaro ngayong 2019 para makalimutan ang serye ng mga missed cuts sa mga naunang torneong sinalihan niya ngayong 2019.

Napabilang din sa huling dalawang rounds ng kompetisyong binubuo ng 70 qualifiers si Clariss Guce dahil sa 5-under-par iskor na 139 mula sa naiposteng 69 at 70 sa una at pangalawang rounds ayon sa pagkakasunud-sunod. Ito na ang pangalawang sunod na torneo ni Guce, anak ng dating premyadong hinete ng Pilipinas, na nakapasok sa weekend play matapos ang kanyang pagsabak sa finals kamakailan ng Walmart NW Arkansas Championship. Plano niyang higitan ang kanyang 8-under-par na performance sa nabanggit na torneo.

Kasama ang dalawang Pinay sa malaking pulutong ng mga parbusters na nagparusa sa golf course dahil sa malulupit na under-par na mga iskor pero, sa lupit ng kompetisyon, ang mga manlalarong umiskor ng kabuuang 4-under-par pagkatapos ng dalawang rounds ay pinag-empake ng organizers. Si Sung Hyun Park ng South Korea ang kasalukuyang nangunguna sa kompetisyon dahil sa rekord niyang 17-under-par 127 strokes.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page