WRIGHT, SURE NA SA GILAS, BLATCHE, BOMALABS PA BA?

ANG inaasahang maagang pagdating ni Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche ay bahagyang maaantala sanhi ng kanyang problema sa kanyang pamilya.
Ito ang ibinalita ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao hinggil sa inaasahang pagdating ni Blatche sa bansa. Nakatakda sanang dumating si Blatche sa Pilipinas sa Lunes-Hulyo 8 o kaya’y sa Martes.
Ngunit, ayon kay Guiao, naurong ito ng Hulyo 12 o 13 dahil kailangan nitong dumalo ng court hearing hinggil sa kustodiya ng kanyang anak. “Meron siyang court hearing tungkol sa custody case ng anak niya. Dadaluhan niya muna ‘yun bago siya makalipad dito,” ayon kay Guiao.
Sa katunayan, ayon umano sa mga handlers ni Blatche, dapat sana ay sa Hulyo 23 pa ang nasabing hearing, ngunit nagawan ng paraan ng mga abogado nito para mapaaga ang schedule.
Nakatakdang isiwalat ni Guiao ang final 14 man pool sa Lunes para sa bubuuing Gilas Pilipinas squad na sasabak sa 2019 FIBA World Cup sa susunod na buwan sa China. “Lumalapit na ‘yung World Cup, so kailangan na ito to bring together the team,” dagdag ni Guiao.
Samantala, kasama na sa Gilas Pilipinas pool si Matthew Wright. Kinumpirma ni Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao na kasama na si Wright sa pool matapos magpakita sa ensayo ng koponan noong Huwebes ng gabi.
“Part na siya ng pool. We added him to the pool. He was part of the discussion noong una and I guess his game speaks for itself,” wika ni Guiao sa Spin.ph. Nakalaro na si Wright sa Gilas Pilipinas ngunit, hindi siya naisama sa line-up sa huling window ng FIBA Basketball World Cup qualifiers kung saan nakaharap nila ang Qatar at Kazakhstan.





Comments