112 state universities and colleges, makaaasa na sa libreng Wi-Fi

BAGO tayo magsimula, batiin muna natin ang dati nating kasamahan sa Senado, si Secretary Gregorio “Gringo” Honasan II. Siya ang bagong itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Mula nang maisabatas ang Republic Act 10929 o ang Nationwide Free Public Internet Access Program kung saan isa tayo sa mga awtor, hanggang ngayon, hindi pa rin ito naipatutupad nang maayos sa state universities and colleges na priority targets ng batas na ito.
Mayroon tayong kabuuang 112 SUCs, pero ang nakalulungkot, 17 lang sa mga ito ang may libreng Wi-Fi at ang problema kahit libre ang Wi-Fi, mabagal daw ang serbisyo nito.
Hindi natin maintindihan kung bakit, kung sino pa ang target ng programa, sila pa ‘yung nahuhuli sa prayoridad.
Isinulong natin ito sa Senado, unang-una para sa SUCs, pero mukhang hindi nabigyan ng tamang atensiyon.
Iginiit natin ang libreng Wi-Fi dahil ito ang pinakamagandang katuwang ng libreng tuition.
Wala nang gagaan pa sa pakiramdam ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino kundi ang maabot ang mahahalagang benepisyo nang libre at hindi na kailangang gastusin o bawasan ang perang itinatabi nila para sa mas mahahalaga pang gastusin tulad ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ngayong bago na ang DICT secretary sa katauhan ni Sec. Gringo, umaasa tayong gugulong na ang programang ito at mapalalakas ang serbisyo ng internet sa SUCs.
Malaking katipiran ito dahil hindi na kailangang gumastos ng estudyante para magpa-load sa kanyang mobile phone o gumastos sa mga net café para makapag-research o gumawa ng assignments hanggang sa dis-oras ng gabi.
Para sa kaalaman ng lahat, ang free public Wi-Fi project ay may kabuuang pondo na P1.7 bilyon na inilaan sa DICT sa ilalim ng 2018 National Budget.
Sakop ng pondong ito ang P326 milyong alokasyon para sa libreng internet sa SUCs at P1.36 bilyon para sa free Wi-Fi sa mga pampublikong lugar tulad ng town halls, airports at iba pang transport terminals.
Sa huling pagdinig ng Senado sa pondo ng DICT noong Disyembre 2018, inamin nilang 10 porsiyento lang ng P1.7 bilyon para sa proyekto ang nagamit kaya pala hindi umabante ang programa.
Marami silang dahilan — election ban, delayed national budget at kung anu-ano pa.
Kaya umaasa tayong sa bagong pamunuan ng DICT, sisikad ang proyektong ito na malaking tulong sa mga estudyante sa SUCs at sa mga kababayan nating nangangailangan ng internet connection sa mga alanganing oras sa mga pampublikong lugar.





Comments