Ultimatum sa Kamara, wa’ epek | HIRIT NI P-DIGONG NA TERM-SHARING, TABLADO

USAP-USAPAN sa Kamara ang umano’y pagiging matigas ng ulo ni Rep. Lord Allan Velasco. Ayon sa ilang kongresista, kung hindi lamang matigas ang ulo ni Velasco at sa pagsuway niya sa panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi na nagkakainitan ang mga kongresista sa karera para maging House Speaker.
Ito ay matapos tanggapin ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang panukala ni Pangulong Duterte para sa term-sharing agreement sa pagitan niya at ni Velasco upang maresolba na ang Speakership issue subalit, tinanggihan umano ito ng congressman mula sa Marinduque.
Iginiit ni Velasco na dapat isang tao lamang ang hahawak sa pinakamataas na puwesto sa House of Representatives.
Hindi pumayag si Velasco sa panukala kahit na ito ay nagmula kay President Duterte, na nagbigay pa ng ultimatum sa cabinet meeting noong July 1 kung saan sinabi ng pangulo na tanggapin na ni Velasco ang term-sharing deal kay Cayetano o kalimutan na ang pangarap niyang maging Speaker.
Dapat umanong maintindihan ni Velasco na ang power-sharing agreement ay mas makabubuti sa kanya dahil lumalabas na si Velasco ang walang experience at hindi kuwalipikado sa lahat ng nagnanais na maging Speaker.
Kahit na si Velasco ay nagsilbi na ng dalawang termino bilang congressman, lumalabas na naupo siya bilang kongresista sa isang termino lamang matapos mailuklok siya sa huling araw ng session sa Congress noong 2013, dahil napalitan niya si Regina Ongsiako Reyes sa kanilang laban sa Marinduque noong 2010 polls.





Comments