PSL: LOGISTICS, IBINAON SA SILAY ANG REALTORS
- BULGAR

- Jul 5, 2019
- 2 min read

LUMAPIT ang F2 Logistics sa isang hakbang para sa first-round sweep matapos ang madaliang panalo kontra Sta. Lucia, 25-15, 25-14, 25-21 sa second stop ng Philippine Superliga All-Filipino Conference Spike On Tour na idinaos sa Natalio G. Velez Sports and Cultural Center sa Silay City.
Nagpakitang-gilas si Filipino-American Kalei Mau nang kulapsuhin ang depensa ng Lady Realtors sa bisa ng kanyang depensa at bitbitin ang Cargo Movers para sa ikaanim na diretsong panalo sa prestihiyosong women’s club tourney.
Bumanat si Mau ng 14 points, 10 kills at three aces habang si Ara Galang ay may 11 marka para sa Cargo Movers na nagpakita ng kanyang championship form upang gitlahin ang naghihingalong Realtors.
Impresibo rin si skipper Aby Maraño sa kanyang binanatang 10 puntos, kasunod ng 2 blocks at ace habang si Michelle Cobb ay may 20 excellent sets sa likod ng 19 digs ni Dawn Macandili. May golden chance na ngayon ang Cargo Movers na walisin ang first round sa sandaling makaharap na ang rookie team na Marinerang Pilipina sa susunod na Huwebes sa Muntinlupa Sports Center. “As I’ve said before, we’re not after the record in the elimination round because it will have no bearing in the playoffs,” ayon kay head coach Ramil De Jesus.
Sa kabila ng akyat-panaog na performance sa unang set, uminit na sana ang laro ng Lady Realtors sa second set upang pakabugin ang Cargo Movers sa 13-12 lead bago nasukol sa 12-1 na pagsasara ng set. Dumidikit man ang score ng Sta. Lucia sa third set at gahibla ang puntos na 20-21, pinatunayan pa rin ng Logistics na mas malakas sina Mau at Galang para ibigay ang finishing kick at madale ang impresibong panalo.
Walang player na nakaiskor ng dobleng pigura para sa Lady Realtors na sumagap ng masaklap ng ika-5 diretsong talo at sumadsad sa ilalim ng standings na may 1-5 win-loss card. May ibinigay na tig-5 puntos sina Rachel Austero at MJ Philips. (VA/MC)





Comments