Buking na may GF, sinugod sa classroom, pinagbabaril | GRADE 7 TODAS SA KA-LIVE-IN NA BADING
- Jeff Tumbado / Levi Gonzales
- Jul 5, 2019
- 1 min read

PATAY ang Grade 7 student matapos pagbabarilin ng sinasabing karelasyon nitong bading sa loob mismo ng classroom sa Calamba City, Laguna, kahapon ng tanghali.
Una munang idineklarang ‘brain dead’ sa ospital bago tuluyang binawian ng buhay ang 15-anyos na biktima na si alyas Mark, residente ng Bgy. Pansol at mag-aaral ng Castor Alviar National High School sa Bgy. Masili.
Ayon kay Police Lt. Col. Jacinto Malinao, nangyari ang pamamaril alas-12:30 ng tanghali habang naka-break at nagpapahinga sa loob ng classroom ang biktima.
Biglang pumasok sa silid-aralan ang suspek na si Renz Ivan Valderama, sekyu sa isang resort, nasa edad 30, at walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan ang biktima sa batok at sa ulo bago tumakas bitbit ang .38 baril na pinaniniwalaang service firearm nito.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nagsasama sa isang tirahan ang suspek at biktima.
Hanggang sa nagkaroon umano ng kasintahang babae ang biktima na sinasabing labis na ikinasama ng loob ng suspek at dahilan para isagawa ang krimen.
Kaugnay nito, isang malawakang pagtugis ang ikinasa ng mga awtoridad laban kay Valderama.





Comments