PIER, INILUBOG ANG DYIP; COOL SMASHERS, NAMURO


NAITAKAS ng NorthPort Batang Pier ang makapigil hiningang 110-108 panalo kontra Columbian Dyip kagabi sa PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Tumikada si Moala Tautuaa ng 23 points, anim na assists at limang rebounds para sa Batang Pier na kinarga ang 8-2 karta. Nahirapang makalayo ang NorthPort, lamang lang sila ng dalawang puntos, 52-50 sa unang dalawang periods. Nanatiling nakakapit ang Dyip sa third period, isang puntos lang ang kanilang hinahabol, 81-82 papasok ng fourth.
Naging matatag sa playoff period ang Batang Pier upang makuha ang matamis na panalo. Samantala, nagdesisyon na ang San Miguel Beer na magpalit ng reinforcement matapos sumadsad ng dalawang sunod na laro.
Nasa delikadong puwesto ang Beermen, may 2-5 karta sila kaya pinalitan na nila si Charles Rhodes at tinapik ang serbisyo ni former NBA player Chris McCullough.
Tinulungan ni Rhodes ang San Miguel na masikwat ang korona noong 2017 Commissioner’s Cup at nagwagi rin siya ng Best Import subalit, hindi bumilib ang opisyales ng SMB sa inilaro nito sa huling dalawang laban.
Samantala, humakbang palapit ang defending champion Creamline tungo sa inaasam na pagbalik ng finals makaraang payukurin ang Pacific Town-Army, 26-24, 25-21, 23-25, 25-20, kahapon sa Game 1 ng kanilang best-of-3 semifinals series sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan. Bumawi mula sa naging kabiguan sa third frame at hindi na pinaporma ang kalaban na balak pa sanang humirit ng decider na Cool Smashers sa 4th frame na sinimulan nila sa pagpapaulan ng atake kontra Lady Troopers.
Umiskor si Thai reinforcement Kuttika Kaewpin ng 21 puntos, kasunod ang kapwa import na si Aleoscar Blanco na may 19 puntos upang pamunuan ang panalo ng Cool Smashers. Sinamantala ng Creamline ang erratic na simula ng Pacific Town-Army upang makuha ang unang dalawang sets kung saan nakagawa ang huli ng kabuuang 17 errors.
Naglaro ang Lady Troopers na wala ang kanilang head coach na si Kungfu Reyes dahil kasama ito ng National Under-23 Women’s Team sa Thailand. Nakatakdang ganapin ang Game 2 ng semis sa Sabado sa Ynares Sports Center sa Antipolo. (ATD/VA)





Comments