Mga miyembro ng SSS, pinag-iingat sa mga fixer ng Pension Loan Program!

PINAG-IINGAT ng Social Security System (SSS) ang mga pensiyunado laban sa pakikipag-ugnayan sa mga fixer para sa kanilang mga transaksiyon sa SSS, lalo na tungkol sa Pension Loan Program (PLP).
Marami sa ating mga pensiyunado ang mayroon pa ring mga panandalian at biglaang pangangailangan tulad ng pagkakasakit at pang-araw-araw na gastusin kaya ang iba sa kanila ay lumalapit sa mga mapang-abusong fixer at loan shark na nagpapataw ng malaking interest sa pagkakautang.
Kaya layunin ng SSS na matulungan ang mga pensiyunado sa pamamagitan ng PLP na umabot na sa isang bilyong piso ang naipautang sa halos 42,000 pensiyunado na nag-apply sa nasabing programa mula noong Setyembre 2018.
Paalala ng SSS President at Chief Executive Officer na maging alerto at pumunta lamang ng personal saanmang tanggapan ng SSS kung mag-apply ng pension loan.
Nakatanggap ang SSS noong nakaraang buwan ng balita mula sa Bacolod branch na may 15 pensiyunado ang nabiktima ng mga mapanlinlang na fixer na tumangay ng kanilang mga cash card. Ang insidenteng ito ay kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa mga datos, ang Bacolod branch ang may pinakamaraming aprubadong loan application na nasa 2,696 na bilang at pinakamalaking naibigay na pension loan na nagkakahalagang P56.76 milyon. Pumapangalawa rito ang Diliman branch na may 2,177 aprubadong loan applications para sa P56.09 milyon na halaga ng pension loan; ang Cebu ay may 1,547 na loan applications at P38.42 milyon na naipautang. Ang Victorias branch naman sa Bacolod City ay may 1,733 pensiyunado na nabigyan ng pautang at P36.48 milyong naipautang.
Noong Marso ay niluwagan na ng SSS ang kanilang polisiya para sa higit 1.2 milyong kuwalipikadong retiradong pensiyunado kung saan ang mga tumatanggap ng pensiyon ng kahit isang buwan pa lamang at posted sa records ng SSS ay maaari nang mag-apply ng pension loan.
Maliban sa SSS card o Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card, maaari rin nilang ipakita ang mga sumusunod bilang form of identification: Driver’s License issued by Land Transportation Office (LTO); Firearm Registration, License to Own and Process Firearms and Permit to Carry Firearms Outside of Residence mula sa Philippine National Police (PNP); National Bureau of Investigation (NBI) clearance; passport; Postal Identity Card, Seafarer’s Identification at Record Book (Seaman’s Book) at Voter’s ID Card.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Samantala, ang Contributions Condonation Penalty Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingkuwenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments