Iniwang opisina parang dinaanan ng bagyo, tiles binakbak, pati mga inodoro tinangay | Ex-mayor ng C

SA totoo lang, isa sa mga dahilan kaya mahirap mapaunlad ang ating bansa ay marami tayong mga pulitikong hindi maganda ang ugali.
Ang tinutukoy natin ay ang ugaling ipinakita ni Tomas “Tommy” Osmeña, na kabababa lamang sa kanyang puwesto noong isang araw bilang mayor ng Cebu City.
Natalo siya ng dati niyang vice-mayor na si Edgar Labella, na kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isipin ninyo, ipinabakbak daw ni Osmeña ang lahat ng mga gamit na nasa dati niyang opisina kaya nagmistulan itong walang kalaman-laman na parang dinaanan ng bagyo!
Pati raw ang tiles sa sahig ay kinalkal at ang malala pa ay pati mga inodoro ay idinamay.
Bakit niya ginawa ang hindi magandang asal na ito? Sinabi niyang siya raw ang nagpaganda ng opisina niya, gumastos daw siya ng P2 milyon.
Isipin ninyo, ipinagyabang niyang ang mga kaibigan daw niya ay nag-ambag ng P1 milyon para pagandahin ang kanyang opisina.
Hindi ba niya alam na ang pagbigay ng pera sa sinumang opisyal ng gobyerno para sa anumang dahilan, lalo na kung walang resibo ay itinuturing na korupsiyon?
Sa ilalim ng ating batas, puwede siyang kasuhan at makulong! Isa pa, dapat kasuhan si Osmeña ng pagsisira ng anumang pag-aari ng gobyerno.
Sa mga litratong makikita sa social media, sirang-sira ang opisina ng mayor at hindi raw biro ang gastusin para maayos ito.
Tanggalin mo ba naman ang tiles ng sahig mo, tsk!
Noong nakaupo sa posisyon bilang mayor si Osmeña at bago gastusan ng P2 milyon kahit hindi kagandahan sa tingin niya, walang problema ang opisina.
Sa katunayan, ang ginawa ni Osmeña ay pagpapakita lang na pikon siya sa kanyang pagkatalo sa katatapos lamang na eleksiyon kaya gusto niyang makaganti.
Ang tinanggal niyang tiles, inodoro at iba pang nasa dati niyang opisina, ngayon ay basura na lang.
Hindi niya mababawi ang P2 milyong ginastos daw niya, hindi niya magagamit ito, kailanman.
Anong klaseng mayor ito na handang gumastos para ‘pahirapan ang buhay’ ng bagong upong mayor na inihalal ng taumbayan?
Kung tayo ang bagong mayor na ito, hindi natin ito ipaaayos at mag-oopisina na lang tayo sa ibang kuwarto.
Gagawin na lang natin itong museo na puwedeng bisitahin ng mga taga-Cebu.
Maglalagay tayo ng mga litrato ni Osmeña na dala ang inodoro habang abot-langit ang ngiti.
Ipakikita natin sa museo kung gaano kasama ang ugali ng dating mayor.
Malamang, sa sama ng ugali niya, huwag siyang umasa na muli siyang makababalik sa politika!





Comments