Pagtaas sa presyo ng mga bilihin, muling inaprubahan ng DTI

‘YUNG tipong hindi pa tayo nakaaahon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong mga nakaraang taon, lalo pang dinagdagan ngayon. Hays!
Nakalulungkot dahil muling inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas ng suggested retail price (SRP) ng ilang bilihin kung saan kinuwestiyon ito ng grupong ‘Laban Konsiyumer’.
Kabilang sa mga produktong muling tataas ang presyo ay ang kape na lalong magiging mabili ngayon dahil sa panahon, gayundin, ang condiments na madalas nating ginagamit sa pagluluto.
Gayunman, tiyak na aaray na naman ang publiko dahil sa totoo lang, marami pa rin ang hindi pa nakaaahon at nakapag-a-adjust sa patuloy na pagmahal sa presyo ng mga bilihin.
Samantala, ang buwelta ng DTI, ngayon lang ipatutupad ang dagdag-presyo, pero noon pa umano ito inaprubahan ng ahensiya, kaya kung tutuusin ay nabigyan na ang lahat ng konsiyumer ng konsiderasyon dahil hindi ito isinabay noon.
Kaya ang magagawa natin ngayon para hindi tuluyang lumubog, magtipid at maging matalino sa paggastos ng pera at huwag mawalan ng pag-asa na matutuldukan din ang kahirapan sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments