CARGO, ITATAYA ANG KARTA; DURANT, LUMIPAT NA SA NETS
- BULGAR

- Jul 2, 2019
- 1 min read

ITATAYA ng unbeaten F2 Logistics ang imakuladang kartada sa giyera nito sa mapanganib na Cignal HD Spikers sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong Martes sa Cadiz City Arena sa Bacolod City.
Sisimulan ang aksiyon ng 7 p.m. at pakay ng Cargo Movers na panatilihin ang lagablab na laro kontra HD, na planong makaresbak dahil sa huling pagkatalo sa prestihiyosong women’s club tourney.
Ikatlong panalo ang target naman ng Generika-Ayala na sasagupa sa hilahod ding Sta. Lucia sa unang laro ng 4:15 p.m.
Matapos kunin ang serbisyo ni Filipino-American spiker Kalei Mau, hindi na maawat ang tikas ng Cargo Movers sa apat na laban sa torneo.
Samantala, nilayasan na ni Kevin Durant ang Golden State Warriors at lumipat na siya sa Brooklyn Nets.
Iyan ang inanunsiyo kahapon sa Twitter at Instagram ng 30-years old, two-time NBA Finals Most Valuable Player Durant na lilisanin na ang team niya mula pa noong 2016, makaraang magsimula ang free agency period ng NBA at lalagda na raw siya sa maximum-level deal sa Nets.
Ginawa ni Durant ang kapasyahan bagamat, dumanas siya ng matinding ruptured achilles tendon injury nitong nagdaang NBA finals at baka hanggang 2020 season ay hindi makalaro. (MC / VA)





Comments