BATANG GILAS, HINDI NA NAKAPORMA SA ARGENTINA

NALASAP ng Gilas Pilipinas Youth ang kanilang pangalawang sunod na talo makaraang daigin ng Argentina, 77-72, kahapon sa 2019 FIBA Under-19 Basketball World Cup sa Heraklion, Greece.
Nanguna si Dave Ildefonso sa atake ng Gilas Youth ngunit, nanaig pa rin ang tikas ng Argentina upang makuha ang kanilang pangalawang panalo. Bumaba naman ang kartada ng Gilas Pilipinas Youth sa 0-2 sa Group C ng torneo.
Gumawa ng 22 points at 10 rebounds si Ildefonso habang nagtala ng 17 points, 8 rebounds at 6 blocks si Kai Sotto para sa Gilas Pilipinas Youth na makakaharap ang Russia sa Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas.
Agad nakakuha ng abanse ang Argentina sa laro sa kanilang pagposte ng 18-7 kalamangan sa first quarter. Pinababa ni Ildefonso ang kalamangan ng Argentina sa pag-iskor niya ng anim na sunod na puntos para sa Gilas Pilipinas Youth.
Nanatili ang kalamangan sa panig ng Argentina sa second quarter at nagtala ito ng 14 puntos na abanse, 37-23, mula sa isang tres ni Francisco Farabello. Nagtapos ang second quarter na lamang ang Argentina, 39-32.
Muling napababa ng Gilas Pilipinas Youth ang abanse ng Argentina sa pagbuslo ng tres nila James Spencer at Dalph Panopio, 52-49 pero, ito ay sinagot ni Lucas Reyes nang siya’y nakabuslo rin ng tres para magtapos ang third quarter na may 58-51 abanse ang Argentina.
Kahit pa umabot sa 15 ang abanse ng Argentina ay hindi sumuko ang Gilas Pilipinas Youth.Sa tulong ng tres ni Gerry Abadiano ay napababa sa apat, 73-69, ang abanse ng Argentina ngunit bumuslo rin ng free throws ang Argentina para makuha ang panalo.
Umiskor ng 18 points si Marco Giordano para sa Argentina upang maipagpatuloy ang malinis na kartada sa team standings ng Group C.





Comments