‘PINAS RUNNER-UP HONOR SA BETVICTOR WCP 9-BALL
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jul 2, 2019
- 1 min read

NAHABLOT ng Pilipinas ang runner-up honors sa likod ng Austria sa pagbaba ng telon ng malupit na 2019 BetVictor World Cup of Pool 9-Ball sa palaruan ng Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom noong Linggo ng gabi (Lunes ng madaling-araw sa Pilipinas).
Pagkatapos ng apat na sunud-sunod na tagumpay simula sa round 1 hanggang sa semifinals, inulan ng “dry breaks” ang Pilipinas kaya tumiklop sa 2017 winner at 2018 2nd placer Austria, 3-11.
Bago ang finals, kumawala ang tambalang Carlo “The Black Tiger” Biado at Jeffrey “The Bull” de Luna sa dikdikang duwelo kontra kina Dutch gems Niels Feijen at Marc Bijsterbosch. Anim na beses nagtabla ang iskor simula 1-1 pero, pagkatapos sumampa sa isang 6-6 standoff, rumatsada ang Pilipinas ng tatlong magkakasunod na panalo palayo sa 9th ranked at two-time bridesmaid na koponan para makapasok sa finals. Ang huling panalo ay naselyuhan sa pamamagitan ng isang 1-9 combo ni Biado pagkatapos ng pamatay na safety shot ni De Luna.
Nauna rin dito, dinaig ng Pilipinas ang 13th seed Canada (Alex “The Lion” Pagulayan) sa semifinals matapos itong bumalikwas sa isang 1-4 na pagkakahimbing (9-6); naungusan ang no. 17 Albania (dating world no. 1 Eklent Kaci at Besar Spahiu) sa pangalawang round, 7-5; at natakasan ang 19th ranked at upset-conscious Czech Republic (Roman Hybler at Michal Gavenciak) 7-6 sa kick-off round. Dahil sa pagiging pangalawa, na nagkakahalaga ng $30,000, nahigitan nina Biado at De Luna ang kanilang 2018 performance kung saan, hanggang quarterfinals lang ang inabot nila.





Comments