top of page
Pokwang.jpg

Social enterprise development ng PCUP, umarangkada na!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 1, 2019
2 min read

BILANG tugon ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pag-angat sa antas ng pamumuhay ng mga kababayan nating mahihirap, mayroon itong programa kung saan tutulungan tayong bumuo ng proyektong pangkabuhayan na swak sa ating komunidad.

Ang naturang programa ay tinatawag na Social Enterprise Development. Dito, inihahanda natin na magkaroon ng negosyo ang mga samahang maralita na may 15 miyembro pataas.

Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! ‘Yung isang member na HOA ng pederasyon namin ay nagkaroon ng livelihood assistance galing sa inyong opisina. Ano ang maaari naming gawin para magkaroon din ng livelihood assistance ‘yung HOA namin? Salamat, sir at more power! — Elenita

Sagot

Magandang araw din sa inyo, Elenita! Para makahingi tayo ng livelihood assistance sa PCUP, kinakailangan nating magsumite ng sulat na gusto nating magkaroon ng business ang ating asosasyon. Tandaan, na dapat accredited tayo ng PCUP. Kung hindi naman ay aabisuhan tayo na kailangan muna nating magpa-accredit. Madali lang naman ang proseso nito kaya hindi rin magtatagal ang inyong dokumento.

Pagkatapos nito, bababaan tayo ng Project Development and Resource Mobilization Unit (PDRMU) at area coordinator upang i-assess ang feasibility ng inyong binabalak na livelihood project. Magbibigay din tayo ng oryentasyong pangkabuhayan na nakaangkla sa inyong proyekto.

Tutulong din ang ating ahensiya sa pagrerepaso ng inyong project proposal tulad sa pagpili ng angkop na livelihood, pagpaplano, paggawa ng proposal at pagpapalago ng negosyo.

Magsasagawa rin tayo ng organizational development seminar katuwang ang ibang ahensiya para tulungan at gabayan tayo sa pagbubuo ng ating management team. Makikipag-ugnayan din tayo sa ating partner agencies upang mapabilis ang paggalaw ng mga project request.

Para masiguro na maging matagumpay ang ating proyekto, imo-monitor tayo ng PCUP tungkol sa kalagayan ng ating proyekto.

Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.

Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.

Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page