MABUTI PA ANG PINOY BILLIARDS, NASA SEMIS NA SA WORLD 9-BALL

SUMARGO papunta sa semifinals ang Pilipinas matapos nitong daigin ang Canada, 9-5, sa isa sa apat na final 8 na bakbakan ng 2019 BetVictor World Cup of Pool 9-Ball sa palaruan ng Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom noong (Sabado ng gabi sa Pilipinas).
Bumalik mula sa isang 1-4 na butas ang Pilipinas bitbit ang mas matatag na pulso at mas matikas na porma. Ang panalo nina Carlo Biado at Jeffrey de Luna kontra sa pinagsamang puwersa ng mga karibal mula sa Canada na sina John Morra at Alex “The Lion” Pagulayan, isang Fil-Canadian na tubong Isabela, ay pangatlong sunod na nila sa torneo.
Nagsosolo na lang na kinatawan ng Asya ang Pilipinas sa kompetisyong nagkakaloob ng $250,000 cash pot sa mga pumasok sa winners’ circle matapos mahubaran ng korona ang 2018 titlist at topseed China noong quarterfinals (dapa sa 9th ranked ang Netherlands, 5-9) at matapos na mag-empake ang powerhouse Taiwan noong 2nd round (tiklop sa Greece, 5-7).
Haharapin nina Biado at De Luna sa semis sina Dutch gems Niels Feijen at Marc Bijsterbosch dala ang monentum ng panalo kontra sa Canada, Albania (7-5; Eklent Kaci/Besar Spagnuolo; round 2) at Czech Republic (7-6; Roman Hybler/Michael Gavenciak; round 1). Bitbit din ng mga Pinoy ang hangaring maipako ang pang-apat na korona ng Pilipinas sa prestihiyosong sagupaan.





Comments