IMPORT PROSPER NG DYIP, SINAGASAAN ANG BEERMEN
- BULGAR

- Jul 1, 2019
- 1 min read

NAKALSUHAN ng Columbian Dyip ang three-game skid matapos silatin ang San Miguel Beer, 134-132 sa overtime game sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Tumikada si import Lester Prosper ng 40 points at 13 rebounds habang bumakas si super rookie CJ Perez ng 34 puntos, walong rebounds at tig-apat na assists at steals para sa Dyip na inilista ang pangalawang panalo sa walong salang.
Palaban ang Columbian sa unang dalawang quarter, nakalamang sila ng anim na puntos, 59-53 sa halftime.
Nakipagsabayan ang Dyip sa Beermen sa third canto kaya nanatiling hawak nila ang anim na puntos na bentahe, 89-82.
Humabol naman ang San Miguel Beer sa fourth period kaya nakahirit sila ng overtime game.
Samantala, nais ng TNT KaTropa na manatili sa top spot ng team standings pagharap nila sa Rain or Shine sa Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Tangan ang 7-1 karta, sisimulan ng KaTropa ang kanilang balak na manalo sa ganap na alas-7 ng gabi.
Sasandalan ng TNT ang kanilang five-game winning streak para makuha ang pang walong panalo.
Nagtala si import Terrence Jones ng 39 points at 17 rebounds upang akbayan ang KaTropa sa 109-102 laban sa Columbian sa kanilang huling laro noong June 21.
Bukod kay Jones, huhugot din ng lakas ang TNT kina locals Jayson Castro at RR Pogoy na nagtala ng tig-22 at 16 markers ayon nsa pagkakasunod.
Subalit, tiyak na dadaan sa butas ng karayom ang TNT dahil pakay ng Elasto Painters na makabangon agad mula sa pagkakadapa. (ATD)
Mga laro sa Miyerkules: (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. - Columbian vs NorthPort
7:00 p.m. - Rain or Shine vs TNT KaTropa





Comments