Away sa lupa, 2 todas

DALAWA ang nasawi habang isa ang sugatan matapos ang insidente ng pamamaril dahil umano sa away sa lupa sa Caloocan City, Sabado ng umaga.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan sina Jelvis John Casipe, 26, at Renne Formacion, 67, kapwa ng Bgy. 171, Bagumbong habang ginagamot sa Tala Hospital si Marthy Casipe, 36.
Kinilala naman ni Caloocan City Police P/Col. Noel Flores ang mga naarestong suspek na sina Mark Joseph Bernadette, 35; Alexander Bernadette, 60, at Jerry Barrios, 48, habang nakatakas naman ang iba pang kasabwat ng mga ito.
Alas-11:45 ng umaga nang maganap ang pamamaril ng mga suspek sa mga biktima sa kahabaan ng Villa Teresita, Alisasis St.
Alas-10:00 kamakalawa ng gabi, isang saksi ang lumapit sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct 6 at sinabing nasaksihan niya ang insidente at alam din niya kung nasaan ang iba pang mga suspek.
Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng PCP-6 sa pangunguna ni P/Maj. Harold Melgar na nagresulta sa pagkakaaresto kina Danilo Molato, 59; Edison Solibaga, 56, at Teresita Acuin, 53, na positibong kinilala ng saksi bilang kasama ng unang nadakip na mga suspek.
Ani P/Col. Flores, away umano sa lupa ang dahilan ng insidente habang patuloy ang kanilang follow-up operation sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.





Comments