Pulis, arestado sa droga

TIMBOG ang pulis na nag-absent without official leave (AWOL) kasunod ng buy-bust operation sa Galas, Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Chief Brigadier General Joselito Esquivel, Jr., kinilala ang suspek na si Police Corporal Ramiro Estacio alyas Memel, 47, residente ng Bgy. San Isidro.
Taong 1997 nang pumasok sa serbisyo sa pagka-pulis si Estacio na itinalaga sa Manila Police District at nailipat sa QCPD Police Station 8. Noong 2011, nagsimulang mag-AWOL si Estacio.
Dinampot ng kanyang kapwa pulis si Estacio sa gitna umano ng kanilang pot session sa Liberation St., ng nasabing barangay.
Kasama ni Estacio sa inaresto ang kanyang kapatid na si Crisanto Estacio alyas Nino, 44; at isang Jose Guya alyas Joey, 45.
Ang nakababatang Estacio ay kabilang umano sa drug watchlist ng QCPD. Alas-5:20 ng madaling-araw nang salakayin ang bahay ng mga suspek kasunod ng sumbong ng ilang concerned citizen sa umano’y illegal drug activity ng magkapatid.
Nasamsam sa lugar ang ilang sachets ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.





Comments