top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Patuloy na pagpuputol ng puno ng mga korporasyong takaw na takaw kumita, bigyang-pansin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 30, 2019
2 min read

MATAGAL na mula nang huli nating nadalaw ang Baguio City. Hindi mabubura sa ating mga alaala ang mabagal na pag-ahon ng bus sa Kennon Road, sinalubong tayo ng kakaibang halimuyak ng ‘amoy pino’ kasabay ng unti-unting paglamig ng hangin. Ganito ang reputasyon sa Baguio, tinawag itong “Summer and Retreat Capital of the Philippines”.

Hindi natin maihihiwalay ang Baguio sa kasaysayan ng ating pagsilang. Sa Baguio tumuloy ang aking mga magulang noon pagkatapos silang maikasal at eksaktong siyam na buwan pagkaraan ng kanilang kasal, isinilang ang kanilang panganay na anak.

Marami tayong mayamang karanasan dito, isa na ang kampanya laban sa pagputol ng mga puno sa La Union at Baguio. Paakyat tayo sa Baguio noong Oktubre 2015, nang napansin nating pinuputol ang matandang puno ng acacia sa kahabaan ng national highway sa La Union.

Pinatigil natin ang drayber at bumaba upang alamin kung bakit pinuputol ang matandang puno. “Road-widening po,” sagot ng manggagawa. “Mayroon ba kayong ECC o permit mula sa DENR?” tanong naman natin. “Mayroon po,” sagot nila. Hindi natin hiningi ang permit at tumuloy na kami ngunit, nagsimula tayong tumawag ng mga kaibigan at iba pa na maaaring makatulong para tutulan ang pagpuputol ng mga puno.

Isinilang ang National Movement to Save Trees (NMST), mabilis nabuo ang grupo na tumutol sa patuloy na pagputol ng mga puno sa pamamagitan ng pagtali ng kulay puting ribbon sa mga punong nanganganib nang putulin.

Kinausap ng grupo ang mga taong nakatira malapit sa mga puno at pinakiusapan ang mga ito na bantayan at ipagtanggol ang mga puno.

Kasabay ng kampanya laban sa pagputol ng mga matatandang acacia sa La Union, ang pagtutol sa pagputol ng Baguio Pines. Isa sa mga namumuno sa kampanyang ito ay si Bishop Carlito “Oto” Cenzon ng CICM. Kasama ni Bishop Cenzon si Mrs. Nelia Cid, matalik na kaibigan ng ating mga magulang.

Ilang ulit tayong pumunta sa Baguio upang suportahan sina Bishop Oto, Mrs. Cid at iba pang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa Baguio. Malaki ang naitulong ng mga pagkakataong ito upang palalimin ang ating pagmamahal sa kalikasan at paigtingin ang pakikibaka laban sa mga sumisira at lumalapastangan dito.

Tumatanda at pumapanaw na ang mga luntiang aktibista. Sana ay maraming kabataan ang magpatuloy ng magandang sinimulan nila. Maraming nagsasabing pumapangit na ang Baguio dahil sa pagdami ng mga bahay, hotel at kung anu-ano pa. Maririnig natin mula sa mga lokal na opisyal ang karaniwang paliwanag, “kailangan natin ang pag-unlad, ang progress at development.” Dahil sa ganitong pananaw, mabilis na kumalat ang mga dambuhalang mall at iba pang gusali ng mga korporasyong takaw na takaw kumita at walang pakialam kahit mamatay ang kapaligiran.

Salamat, Bishop Cenzon, nawa’y umikot at lumaganap pa ang iyong diwang nagmamahal sa Baguio at Inang Kalikasan. Sana, makita ng lahat ang kahibangan ng paghahari ng mga korporasyon na hindi lang pumuputol ng puno kundi pumapatay pa sa kalikasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page