Paglaganap ng prostitusyon sa Boracay Island, nakaaalarma!

MATAPOS ang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay, marami ang natuwa sa naging pagbabago nito dahil luminis ang tubig at mas nakita ang ganda ng kalikasan.
Gayunman, kahit may mga problemang nasolusyunan, hindi pa rin mapipigilan ang ibang pagsubok na maaari ritong maranasan tulad ng prostitusyon na talamak sa nasabing lugar.
Ayon sa Department of Social and Welfare Development (DSWD), malaking problema pa rin ang prostitusyon sa Boracay Island kung saan kaliwa’t kanang pagkakaaresto ang naganap noong Abril, gayundin, nasagip ang 33 kababaihan.
Samantala, sa kabila na marami ang nahuli, ayon kay Anna Karla Villanueva, Secretariat ng Regional Inter-Agency Committee against Trafficking and Child Pornography at Violence Against Women and their Children (VAWC) ng DSWD-6, ipagpapatuloy pa rin umano nila ang pagmo-monitor sa isla hinggil na nasabing iligal na gawain.
Dagdag pa rito, ang mga naaresto ay tutulungang makapagbagong buhay sa pamamagitan ng pag-alok ng bagong trabaho sa ilalim ng mga programa ng ating pamahalaan.
Bagama’t, may ilan pa ring pinipiling bumalik sa dati nilang trabaho kaya nahihirapan ang DSWD at VAWC na sugpuin ang nasabing prostitusyon sa isla, dapat lang na hindi tumigil ang ahensiya para tuldukan ang nasabing problema.
Kaya ang panawagan natin sa publiko, huwag tangkilikin ang mga iligal na gawain sa iba’t ibang panig ng bansa at makiisa para tuldukan ang mga ito!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments