Kasama ang BF habang naglalambingan
- BULGAR

- Jun 30, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Ms. Libra Girl ng Pangasinan.
Dear Professor, Magkasama kami ng BF ko, tapos, ang sabi niya, tumingin daw kami ng singsing at ako ang mamili.
Itinuro ko ‘yung napili ko sa kanya, pero iniisip ko kung para kanino kaya ‘yun dahil hindi niya sinasabi na para sa akin, pero, isinukat ko ‘yung singsing.
Tapos, nanaginip ulit ako, sa panaginip ko, nagkita kami ng BF ko, tapos, sa sasakyan palang ay naglalambingan na kami nang bigla niyang itinigil ‘yung sasakyan, bumaba siya para bumili ng makakain.
Tapos, umalis na kami at hindi ko alam kung saan kami pupunta, basta drive lang siya nang drive.
Pagkatapos, nasa lugar kami na maraming tao, ang sabi ng BF ko, wala na raw siyang pera, pero sabi ko mayroon ako, gayundin, ang sabi ko sa kanya, mag-check-in muna kami para makapagpahinga hanggang sa nagising na ako.
Naghihintay, Ms. Libra Girl
Sa iyo Ms. Libra Girl, Ayon sa panaginip, hindi ka masaya sa lovelife mo. Kahit sa panaginip ay may paglalambingan kayo, hindi ka pa rin masaya, as in, hindi ka maligaya.
Ang totoo nga, kulang na kulang ang lambing at sweetness sa iyong love life. Ang kakulangan sa sweetness at lambing ay sa panig mo mismo.
Alam mo, rito sa mundo, lahat ay napag-aaralan kaya dahil hindi likas sa iyo ang pagiging malambing, bakit hindi mo pag-aralan na maging malambing? Ang lambing ay hindi lang sa oras na kayo ay magkasama kundi ito ay dapat na nangyayari palagi.
Ang isa pang mahalagang malaman mo na ang susi sa kaligayahan ng relasyon ay ang paglalambingan, ito mismo ang mensahe na gustong ipaabot sa iyo ng mga napanaginipan mo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments