top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Karapatan ng mga mamimili sa ilalim ng Price Control Act

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 30, 2019
3 min read

KUNG ating mapapansin, napakataas na ng presyo ng mga pangunahing bilihin ngayon. Ito ay marahil, dulot ng pagtaas sa presyo ng gasolina at krudo sa pandaigdigang merkado kung saan karamihan sa ating mga industriya ay gumagamit nito sa kanilang produksiyon. Ang pagtaas ng presyo ay hindi natin mapipigilan dahil nakadepende ito sa gastusin ng mga industriyang gumagawa ng mga produktong ito. Subalit, ito ay maaaring bigyan ng pamahalaan ng regulasyon. Ito ang dahilan kaya isinabatas ang Price Control Act o Republic Act No. 7581.

Ang Price Control Act ay ipinasa ng Kongreso at isinabatas upang bigyan ng sapat na proteksiyon ang mga mamimili sa panahon ng kagipitan o biglaang pangangailangan. Ang polisiya ng batas na ito ay upang siguruhing ang mga pangunahing pangangailangan ng tao ay mapanatili sa rasonableng halaga sa lahat ng oras at lalung-lalo na sa panahon ng kagipitan dahil sa mga kalamidad. Sa paglalagay ng kontrol sa mga bilihin ay sinisiguro ng pamahalaan na mayroong sapat na balik ng puhunan ang mga namumuhunan.

Ang mga pangunahing bilihin ay ang mga sumusunod: Bigas, mais, root crops, tinapay, isda (de-lata) at iba pang laman-dagat, karne ng baboy, baka at manok, itlog, tubig na nakalagay sa mga bote at iba pang lalagyan; gatas (fresh/processed), gulay at prutas, noodles, kape, asukal, mantika, asin, sabon-panlaba, panggatong (firewood), uling, LPG at kerosene, kandila at mga kinakailangang gamot na sinuri ng Department of Health (DOH). Ang prime commodities naman ay mga produktong hindi man kasali sa mga pangunahing bilihin ay tinataguriang lubhang mahalaga tulad ng harina, de-latang karne ng baboy, baka o manok, sibuyas, bawang, suka, patis, toyo, sabon, fertilizer, pesticides, herbicides, mga patuka, papel at iba pang school supplies at construction materials.

Sa ilalim ng batas na ito, ipinagbabawal ang pagtatago at pagtitipon ng mga pangunahing bilihin (essential commodities) at prime commodities. Masasabing mayroong pagtitipon (hoarding) kung mayroong hindi makatuwirang pamimili, pagtitipon at pag-iimbak ng tao na labis sa kanyang normal na imbentaryo. Sa pagkakataon na ang tao ay ayaw magbenta ng kanyang stocks ng anumang uri ng pangunahing bilihin sa karamihang mamimili ay nangangahulugan din ng hindi rasonableng pag-iimbak ng pangunahing bilihin o prime commodity.

May karapatan ang bawat mamimili laban sa mga labis na nagtataas ng presyo ng pangunahing bilihin at prime commodities. Mayroong labis na kita (profiteering) kapag ang pagbebenta ng anumang pangunahing bilihin at prime commodities ay sa presyong sobrang taas sa nakatalagang presyo nito. Ipinagpapalagay na mayroong labis na pagkita (profiteering) kapag ang mga pangunahing bilihin ay walang price tag; hindi tama ang sukat at bigat; may halo o nahaluan ng ibang uri o ibinebenta ang mga pangunahing bilihin nang mas mataas sa sampung porsiyento (10%) sa kanyang presyo nang nakaraang buwan.

Ang karapatan laban sa cartel ay binibigyang-proteksiyon ng batas. Mayroong cartel na tinatawag kapag may dalawa (2) o mas higit pang dami ng tao na nagkasundong magsagawa ng produksiyon, magpakalat, magproseso, magtago, mag-supply o magbenta ng mga pangunahing bilihin at prime commodities at ang kanilang layunin ay upang pataasan at manipulahin ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.

Ang sinumang mahuling nagsasagawa ng illegal price manipulation ng pangunahing bilihin at prime commodities ay maaaring maparusahan na makulong nang hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at pagbayad ng multa na hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P2,000,000. Sa mga mahuhuling nagsasagawa ng paglabag sa price ceiling na itinalaga para sa mga pangunahing bilihin ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa 10 taon at pagmumultahin ng P5,000 at hindi hihigit sa P1,000,000.

Kapag ang nagsagawa ng mga nabanggit na paglabag ay korporasyon, ang opisyales at empleyado o kanilang Pilipinong kinatawan para sa mga banyagang korporasyon ng mga ito ang magiging responsable sa nasabing mga paglabag.

Ang awtomatikong price control para sa mga pangunahing bilihin ay magtatagal hanggang sa tagal ng kondisyon na nagbunsod nito subalit, hindi mas matagal sa 60 araw. Para naman sa mga produktong hindi sakop ng regulasyon tulad ng LPG at kerosene, ang isinagawang price control ay hindi tatagal ng 15 araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page