Gustong malaman kung sinu-sino ang mga kinikilalang benepisaryo ng SSS member
- BULGAR

- Jun 30, 2019
- 3 min read
Dear SSS, Magandang araw! Nakita ko ang website ng SSS at ang iba’t ibang benepisyo ng SSS. Nais kong malaman kung sino ang benepisaryo ng miyembro ng SSS? — Abby ng Marikina
Sagot Salamat sa inyong katanungan, madalas itanong sa amin kung sino ang mga karapat-dapat na benepisaryo ng miyembro.
Ayon sa batas ng SSS, pangunahing benepisaryo ng miyembro ang legal dependent spouse. Siya ang legal na asawa na umaasa sa suporta mula sa miyembro. Itinuturing din na pangunahing benepisaryo ng miyembro ang dependent children o mga lehitimong anak, ilehitimo pati ang legitimated o legal na ampon na wala pang edad 21 at walang asawa.
Kung walang pangunahing benepisaryo ang miyembro, ang mga magulang bilang secondary beneficiaries ang tatanggap ng benepisyo. Kung walang primary at secondary beneficiaries, ang tatanggap ng benepisyo ay ang sinumang itinala ng miyembro na kanyang benepisaryo sa SSS Form E-1 o Personal Record Form, sila ang tinatawag na designated beneficiaries.
Kapag namatay ang miyembro ng SSS, dalawang benepisyo ang maaaring makuha ng kanyang mga naiwan mula sa ahensiya. Una, ang funeral benefit para sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng miyembro. Pangalawa, ang death benefit para sa mga lehitimong benepisaryo ng miyembro.
Ang pagbabayad ng death benefit ay alinsunod sa pagkakasunud-sunod ng order of preference ng mga benepisaryo: Primary beneficiaries (legal na asawa at menor-de-edad na anak); secondary beneficiaries (mga magulang); sinumang tao na itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisaryo sa SSS Form E-1 / E4 at huli ay ang mga legal na tagapagmana o legal heir ng namatay na miyembro.
Ang may karapatang tumanggap ng death benefit ay ang legal na asawa at dependent children na wala pang 21-anyos. Binibigyan-diin ng batas na legal na asawa ang may karapatan sa benepisyo ng namatay na miyembro at hindi ang common-law spouse. Samakatwid, napakahalagang maipresenta ang marriage contract bilang supporting document sa death claim.
Makatatanggap ng panghabambuhay na pensiyon ang legal na asawa kapag nakapaghulog ang pumanaw na miyembro ng SSS nang hindi bababa sa 36 buwan. Ang buwanang death pension ay para sa legal na asawa hangga’t hindi pa siya nag-aasawang muli. Kapag kulang sa 36 buwan ang hulog ng namatay na miyembro, lump sum death benefit lang ang matatanggap ng legal na asawa.
Pinagkakalooban ng dependents’ pension ang limang menor-de-edad na anak mula sa pinakabata. Ang dependents’ monthly pension ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng death pension na tinatanggap ng dependent spouse, alinman ang mas mataas. Dapat iprisenta ang mga birth certificate ng mga bata sa pag-claim ng death benefit. Para sa mga batang may kapansanan o may kakulangan sa pag-iisip, kinakailangang iprisenta kalakip ng birth certificate ang medical records.
Kung walang primary at secondary beneficiaries, ang death benefit ay maaaring tanggapin ng kanyang mga legal na tagapagmana tulad ng mga anak na higit 21 taong gulang, mga kapatid at iba pa. Kung ang namatay na miyembro ay pensiyunado bago siya namatay, ang kanyang mga legal na tagapagmana ay makatatanggap lamang ng natitirang pensiyon na nakapaloob sa five-year guaranteed period.
Kung namatay na ang miyembro habang aktibo siyang naghuhulog at nakapaghulog siya ng hindi bababa sa 36 kontribusyon ngunit, wala siyang pangunahin o pangalawang benepisaryo, ang mga legal niyang tagapagmana ang makatatanggap ng lump-sum benefit.
Pinapayuhan natin ang mga miyembro ng SSS na i-update ang kanilang rekord sa SSS, lalo na ang kanilang mga benepisaryo upang walang maging problema sa pag-claim ng mga benepisyo.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
*** Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Samantala, ang Contribution Penalty Condonation (CPC) Program ay bukas hanggang ika-1 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingkuwenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments