GUINNESS WORLD RECORDS SA DRIBBLING, KAKABIGIN NG ‘PINAS?


HANDA na ang Go For Gold Philippines na wasakin ang Guinness World Records sa pamamagitan ng pinakamaraming taong magdi-dribol at ipakita sa buong mundo kung gaano kamahal ng Pinoy basketball community ang laro at tatangkaing burahin ang Guinness World Records ng Palestine.
Inanunsiyo ni Go For Gold godfather, Jeremy Go sa isang presscon noong Huwebes na inaasahang may 10,000 dribblers ang imbitadong lumahok sa Hulyo 21 upang sirain ang unang world record na idaraos sa Mall of Asia Concert Grounds sa Pasay City.
“Being a SEA Games year, we want to be able to encourage a lot of Filipinos to be active in supporting sports and our national athletes,” ayon kay Go sa Mall of Asia SMX. “We believe that this will be a good way to bring buzz and excitement to kick start our country’s program,” dagdag ng vice president ng Powerball Marketing & Logistics Corporation, ang prime mover ng Go For Gold project.
Susuportahan din ang naturang proyekto ng International Basketball Federation (FIBA) na nakipagtulungan sa Go For Gold upang hikayatin pa ang mas maraming Pinoy na suportahan din ang Gilas Pilipinas men’s basketball team ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa nalalapit na Fiba World Cup sa China sa Agosto 31-Set. 15.
Imbitado rin ang mga national athlete mula sa iba’t ibang National Sports Associations sa ilalim ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission bilang pagsuporta sa 30th SEA Games na idaraos sa bansa sa Nobyembre.
Ang unang pinakamaraming tao na nag-dribol ng basketball ay may bilang na 7,556 sa isang event na inorganisa ng United Nations Relief and Works Agency sa Rafah, Gaza Strip, Palestine noong Hulyo 22, 2010.
Ang fiesta-like atmosphere ay isasagawa sa MOA Concert Grounds, ang official venue partner para sa world records attempt, kasama ang mga sikat na sports personalities at showbiz celebrities na inaasahang hihikayat ng marami pang dribblers na lalahok sa record-breaking effort ng bansa. Ang mga kalahok ay maaaring magparehistro sa www.goforgoldworldrecordattempt.com. (MC)





Comments