Bumaligtad sa NLEX | 8 PATAY SA KILLER BUS
- Maeng Santos
- Jun 30, 2019
- 1 min read

WALO ang nasawi habang 15 ang sugatan matapos bumaligtad ang pampasaherong bus makaraang mabangga ang Isuzu Crosswind bago inararo ang concrete barrier sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City, Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela Acting Chief of Police P/Col. Carlito Gaces ang mga nasawi na sina Leo Victorino, Jennifer Fernandez, Joan Garcia, Mary Grace Alvarez, Maria Paz Mariano at Zeus Lapig habang dead-on-arrival sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital sina Norbero Ancajas at John Christpher Ednave.
Isinugod sa iba’t ibang ospital ang mga sugatan kabilang ang bus driver na si Victorio delos Reyes, 39, siyam na pasahero na sina Cherilyn del Rosaio, Michael Abogadie, Nikki Agustin, RJay Mark Mallari, John Patrick Gayon, Justin Gayon, Neil Bryan Antonio, Jaykee Arriesgado at Leonila Hermogenes. Ginagamot naman sa MCU Hospital ang pasahero ng AUV na sina Redhel Lucas, Jully Ann Jose, Sujan Shretha, Rafael Mohan Giron at driver na si Marvin Joseph Giron.
Alas-7:10 ng gabi nang maganap ang insidente sa kasagsagan ng malakas na ulan sa kahabaan ng Kilometer 12+800 southbound ng NLEX, Gen. T. De Leon habang tinatahak ng dalawang sangkot na sasakyan ang kahabaan ng kalsada patungong Maynila.
Mabagal umano ang takbo ng Isuzu Crosswind (ZGG 985) na minamaneho ni Giron nang mabangga ito sa likod ng mabilis ang takbo na Buenasher Transport (AGA 8610) na naging dahilan upang mapunta sa kanang bahagi ng kalsada ang sasakyan.
Nawalan ng kontrol ang driver ng bus hanggang sa araruhin ang concrete barrier bago bumaligtad.
Kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties ang isinampa ng pulisya kay Delos Reyes sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.





Comments