BIADO AT DE LUNA, ENTRA NA SA 2ND ROUND NG WCP 9-BALL

NATAKASAN ng Pilipinas ang Albania, 7-5, sa pangalawang round upang maging pangatlong bansa na nakapasok sa quarterfinals ng ginaganap na 2019 BetVictor World Cup of Pool 9-Ball sa palaruan ng Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom noong Biyernes ng hapon (Biyernes ng gabi sa Pilipinas).
Nanaig ang pinagsanib na tatag at galing nina Carlo Biado at Jeffrey De Luna laban kina Albanian Eklent Kaci at Besar Spahiu sa isa na namang dikdikang labanan sa kompetisyong umakit ng 32 koponan mula sa 31 bansa.
Maagang naiwan sa laban ang mga Pinoy, 1-3 pero, natauhan para makuha ang kalamangan, 6-3. Nagbanta ang Albania sa huling pagkakataon, nang maging 6-5 ang iskor pabor kina Biado at De Luna.
Ito na ang pangalawang maigting na panalo ng mga Pinoy matapos silang dumaan sa butas ng karayom dahil sa hindi inaasahang tindi ng hamon na ipinakita nina Roman Hybler at Michal Gavenciak ng Czech Republic noong Miyerkules (7-6) sa torneong magkakaloob ng $250,000 cash pot sa mga mapapabilang sa winners’ circle. Ang 17th ranked Albania ay nakausad sa round matapos silatin ang 12th seed Russia, 7-3.
Nauna rito, nakahinga nang maluwag ang nagtatanggol na kampeong China dahil nakaiwas ito sa upset-axe na ibinabandera ng Chile, 7-6. Chile ang nagpauwi sa Team B ng Great Britain noong opening round.
Bukod sa China at Pilipinas, nasa last 8 na rin ang Netherlands (no. 9 sa pre-tournament seedings at kinakatawan nina Niels Feijen at Marc Bijsterbosch) dahil 7-3 na ang panalo nito kontra sa USA (no. 8 sa ranking at binubuo nina Shane Van Boening at Skyler Woodward). Sasargo sina Biado at De Luna sa quarterfinals kontra sa Canada matapos mangibabaw ang huli laban sa Estonia, 7-6.





Comments