top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

QUIZON, LABOG AT MAGPILY BUMIDA SA BATANGAS CHESS

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 29, 2019
2 min read

SUMUNOD sa iskript ang mga paboritong kabataang chessers matapos mangibabaw sina International Master Daniel Quizon at untitled Eric Labog Jr. sa pangunahing dibisyon sa kalalakihan, habang si Woman National Master Marie Francois Magpily ang umalagwa sa kababaihan nang magsara ang 2019 National Youth and Schools Chess Championship sa Batangas.

Kapwa tumapos sina Quizon at Labog na may rekord na 7.5 puntos sa Boys 17 na grupo sa tulong ng anim na panalo at tatlong hatian ng puntos. Nang pairalin ang unang tiebreak, tabla pa rin ang dalawang binatilyo. Sa pangalawang sala, nakaungos na si Quizon, 51.0-50.5, para makuha ang titulo. Itinanghal si Labog, may-ari ng isang ginto, isang pilak at isang tanso mula sa katatapos na ASEAN Age Group Chess Championship sa Myanmar, bilang bridesmaid.

Inilampaso ng topseed na dalagitang si Magpily, nakalikom din ng 1-1-1 medal tally sa ASEAN Chess Festival, ang oposisyon nang kumamada siya ng pitong panalo at dalawang tabla mula sa siyam na salang sa board upang tapusin ang torneo bilang runaway winner. Ang kanyang kabuuang produksyon na 8.0 puntos sa Girls 17 na pangkat ay isa’t-kalahating puntos ang layo sa pinakamalapit na karibal.

Nagposte ang 13-anyos at ASEAN Age Group Chess triple gold medalist Mark Jay Bacojo ng pitong panalo at nakipaghatian ng puntos sa dalawang karibal para maiuwi ang korona sa Boys 13. May kabuuang 8.0 puntos si Bacojo (kalahating puntos ang lamang sa mga humahabol). Si ASEAN blitz chess titlist Kaye Lalaine Regidor ang nakasampa sa trono ng sagupaan sa Girls 9 bitbit ang kartadang 4.5 puntos (4 na panalo at isang tabla).

Samantala, tangan nina WFM Allaney Jia Doroy at Samantha Babol Umayan ang trangko pagkatapos ng tatlong rounds ng sagupaan sa National Women’s Chess Championship. Kapwa sila may malinis na rekord na 3.0 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page