top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

INDONESIAN RUNNERS, SUSUBUKIN ANG TIKAS NG PINOY SA MILO MARATHON

A. Servinio
Jun 29, 2019
2 min read

BABALIK muli sa lansangan ng buong bansa ang MILO Marathon, ang pinakamalaki at pinakamatandang karera ng takbuhan ng bayan, simula ngayong Hulyo 28 sa SM Mall of Asia sa Pasay City. Dahil sa pagiging punong abala ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre, gagamitin ang temang “One Team. One Nation. Go Philippines” bilang pagpapakita ng suporta sa mga pambansang atleta.

May nakahandang serye ng 11 lingguhang karera sa lahat ng sulok ng kapuluan. Ang karera sa MOA ang magsisilbing pambungad dahil ang karera sa Urdaneta City na nakatakda sana sa Hulyo 14 ay hahanapan ng bagong petsa ng mga tagapangasiwa.

Ang iba pang mga yugto ay gaganapin sa Subic (Agosto 4), Lucena (Setyembre 15), Batangas (Setyembre 22), Cebu (Setyembre 29), Iloilo (Oktubre 6), General Santos (Oktubre 13), Davao (Oktubre 20) at Cagayan de Oro (Nobyembre 17). Ang National Finals ay gagawin sa Tarlac sa Enero 19, 2020.

Sisikapin ni Mary Joy Tabal na maipanalo ang kanyang ika-pitong sunod na korona bilang MILO Marathon Queen. Samantala, si Jerald Zabala ang humalili sa trono ng MILO Marathon King matapos ang biglaang pagyao ni Rafael Poliquit noong Abril.

Bilang dagdag-hamon, ang mga kampeon ng MILO 10K ng Indonesia ay aanyayahang tumakbo sa National Finals. Tulad ng dati, ipadadala sa isang karera sa ibayong dagat ang pinakamabilis na Pinoy upang maging opisyal na kinatawan ng Pilipinas.

Maliban sa Marathon na 42.195 kilometro, bukas sa publiko ang mga karera sa 21, 10, lima at 3-km. Puwede nang magpalista sa mga sangay ng Landmark, Sportshouse sa MOA at sa www.runrio.com.

Ang paglahok sa MILO Marathon ay malaking tulong sa adbokasiya ng karera na tulungan ang piling mag-aaral sa pampublikong paaralan na nangangailangan ng sapatos na de goma at bola. Dahil dito, inaasahan na mahuhubog ang kabataan na maging kampeon hindi lang sa mga larangan ng palakasan kun’di pati na rin sa mas malaking laro ng buhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page