Tips para hindi mahawa at makahawa ng trangkaso
- BULGAR

- Jun 28, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Kamakailan ay nagkatrangkaso ako at sobrang hinang-hina ang aking katawan. Sa palagay ko ay nahawahan ako ng aking kumare nang pumunta kami sa lamay. Nawawala rin ba ito at ano ang puwede kong gawin para hindi ko mahawahan ang aking pamilya? — Meldy
Sagot
Ang trangkaso o flu ay nakahahawang sakit kung saan nagkakaroon ng impeksiyon mula sa influenza virus. Ang pasyenteng apektado nito ay nakararanas ng matinding lagnat. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa ibang tao na may trangkaso o kung makalalanghap ng hangin na may influenza virus.
Ano ang gamot para rito?
Sa ngayon ay wala pang gamot para sa trangkaso. Ang mga iniaalok na gamot sa trangkaso ay mga gamot para sa mga sintomas na nararanasan, pero kusa itong nawawala sa paglipas ng panahon. Ang pag-inom ng maraming tubig ang pinakamahalagang gawin sa paggamot ng trangkaso upang maiwasan ang dehydration o kakulangan sa tubig.
Gayunman, para sa mga sintomas tulad ng lagnat at pananakit ng katawan, paracetamol ang maaaring ibigay.
Ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa trangkaso ay ang pagpapabakuna. Ang bakuna laban sa trangkaso ay tinatawag na flu o influenza vaccine. Taun-taon, iba’t iba ang laman ng bakuna, depende sa karaniwang uri ng virus na nagsasanhi ng influenza sa pangkasalukuyan. Ang mga bakunang ito, bagamat, hindi kayang pigilin ang lahat ng trangkaso ay napatunayang nakababawas sa rami ng kaso. Bukod sa pagpapabakuna, mahalaga rin na panatilihing malinis ang sarili at ang paligid.
Narito ang ilang hakbang na dapat sundin upang maiwasang mahawa o makahawa ng trangkaso:
Ugaliing maghugas ng mga kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo. Hugasang mabuti ang mga kamay gamit ang anti-bacterial na sabon at malinis na tubig.
Iwasan ang paghawak sa mga mata, ilong at bibig. Ang virus ay maaaring maikalat sa paraang ito.
Makabubuting umiwas sa mga taong may trangkaso.
Sikaping magkaroon ng sapat na tulog.
Kumain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas.
Uminom ng sapat ng tubig, araw-araw.
Ugaliing magtakip ng ilong at bibig sa tuwing uubo at babahing at siguraduhing itatapon sa tamang tapunan ang ipinantakip na tissue.
Kung may sakit ay makabubuting manatili sa bahay at magpahinga upang hindi makahawa.
Gayunman, kung may iba pang naramdamang sintomas o pagbabago sa katawan o pakiramdam ay magpunta agad sa doktor upang masuring mabuti, mabigyan ng karagdagang payo at maresetahan ng gamot kung kinakailangan.




Comments