KABLE NINA DAQUIS AT PAAT MAS MATIBAY SA SUPERLIGA


IBAYONG lakas ang ibinigwas ng Cignal HD Spikers nang patirin ang kable ng PLDT Home Fibr, 25-12, 25-21, 25-15 at makasalo sa liderato ng standings sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa Flying V Centre sa San Juan.
Pinalakas nina Rachel Anne Daquis at Mylene Paat ang pagbanat kasabay ng pananaig ng kanilang depensa upang paangatin ang HD Spikers sa ikatlong sunod na panalo sa prestihiyosong women’s club tourney.
Nasa tuktok na ngayon ang HD Spikers sa team standings na may 3-0 marka pero, baka matinag ang resulta sa sandaling magbakbakan sa isang titanic clash ang F2 Logistics at Petron Blaze Spikers sa ikalawang laban habang isinusulat ito sa isang double-header match na isinasahimpapawid ng ESPN5 at Kapatid TV5.
Impresibo ang iniambag ni Paat na 11 kills at 3 blocks na miyembro ng national team na sasagupa sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre. Habang si veteran Daquis ay may 10 kills at ace para sa HD Spikers na tinapos ang laro sa loob lamang ng 80 minuto. “I’m really pleased to see my players step up. I always tell them to be ready and prove that they are capable of rising up to the occasion,” ayon kay Cignal coach Edgar Barroga, na ikinalugod din ang nagbabagang laro ni Filipino-American setter Alohi Robins-Hardy.
Si Robins-Hardy na nagsimula ng kampanya bilang bahagi ng United VC ay may 20 excellent sets at 5 kills para sa Cignal at halos lamunin sila sa net na may 11 blocks.
Sinabi ni Barroga na ang panalo ay magsisilbing inspirasyon nila sa kanilang pagmartsa sa isang pahirapang laban kontra Blaze Spikers sa Sabado sa Muntinlupa Sports Center.
“Our mettle will surely be tested on Saturday as we go up against Petron,” ani Barroga na tiwalang mapapalaban sa hamon ni Petron coach Shaq Delos Santos para sa isa pang nakakakabang utakan na laban.
“We will make sure to show up prepared and ready to win against them.”
Sina Grethcel Soltones at Aiko Urdas ay may pinagsamang 21 puntos para sa PLDT na lagpak sa 4th spot, 2-2. (VA/MC)





Comments