Ipinamigay sa mga empleyado, iligal | COA SA GSIS: P260-M INCENTIVES, ISOLI

IPINASOSOLI ng Commission on Audit sa Government Service Insurance System (GSIS) ang mahigit sa P260 milyong halaga na umano’y iligal na insentibo sa 90 porsiyento ng halos tatlong libong empleyado nito noong 2018.
Batay sa 2018 audit report, tinukoy ng COA ang GSIS Galing Pagkilala Incentive na nagpamahagi ng P100,000 sa 2,615 empleyado nito nang walang pag-apruba mula sa Office of the President at Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa COA, maituturing itong paglabag sa Sections 5 at 6 ng Presidential Decree No. 1597, Section 9 ng Join Resolution No. 4 series of 2009 at Section 12 ng Republic Act No. 6758 o ang Salary Standardization Law.
“These resulted in both illegal expenditure and erroneous computation of incentives which are not allowed in audit,” ayon sa COA. Ipinunto pa ng COA na layon ng insentibo na hikayatin ang mga empleyado na maging malikhain, episyente sa trabaho, may integridad at produktibo sa serbisyo-publiko.
Kakailanganin umano ng GSIS na maibalik ang pondong ibinayad sa insentibo kung mabibigo ang ahensiya na makakuha ng rekomendasyon at pag-apruba mula sa DBM at sa pangulo.





Comments