SSS, patuloy sa pagbubukas ng branch para makapagbigay ng sulit na serbisyo sa mga miyembro!
- BULGAR

- Jun 27, 2019
- 2 min read
PATULOY ang Social Security System (SSS) sa pagbibigay ng sulit na serbisyo sa mga miyembro nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas marami pang tanggapan upang makapagbigay-serbisyo sa dumaraming bilang ng miyembro ngunit, kasabay ng pagtatayo ng mga tanggapan ay pagpapalawig din ng online service facilities para sa mga miyembrong may access sa internet.
Noong Nobyembre 2018, ang SSS ay mayroon ng 305 tanggapan sa buong bansa na binubuo ng 173 branch offices (BO), 103 service offices (SO) at 29 representative offices (RO).
Mayroon namang 24 tanggapan sa labas ng bansa kung saan 13 tanggapan ang nasa Middle East at Europe at 11 naman sa Asia, America at Pacific.
Ang mga branch office ay nakakategorya bilang small, medium at large branches. Ilan sa mga serbisyong iniaalok ng mga branch office ay registration, verification of SSS records, receipts of applications for loans and benefit claims, tellering at data capture for Unified Multipurpose Identification System (UMID) card. Samantala, ang small branch naman ay maaaring mayroon o walang tellering service.
Ang service office naman ay extension ng branch office at karaniwang makikita sa loob ng malls, economic zones, municipal/city/provincial halls at iba pang lugar na nasasakupan ng branch office. Samantala, ang representative office naman ay matatagpuan sa mga municipal/city/provincial hall na nasasakupan ng branch office.
Noong Disyembre 2017, ang SSS ay mayroon lamang 290 tanggapan sa bansa.
Anim na benepisyo ang pinakikinabangan ng mga miyembro ng SSS. Maaasahan ang SSS sa panahon ng pangangailangan tulad ng pagkakasakit, pagbubuntis, pagkabalda, pagreretiro at pagkamatay. Pinalalawak ng SSS ang branch servicing para maging madali sa mga miyembro ang pag-apply sa mga benepisyo nito.
Ilan sa mga kabubukas pa lamang sa NCR ay ang Bicutan-Sun Valley Branch at Zabarte Town Center Service Office. Sa Luzon naman ay kabubukas pa lamang ang branch offices sa San Carlos, Pangasinan at Dau Branch at ang mga service office sa SM Cabanatuan, Nasugbu at Guinlajon. Nagbukas din ng service offices sa SM Consolacion, Insular Mandaue at Robinsons Place Ormoc sa Visayas. Nagbukas din ng service office sa Robinsons Place Iligan sa Mindanao.
Kasabay ng pagtatayo ng mga branch office ay ang pagpapalawak ng online services ng SSS para naman sa mga miyembro nitong may access sa internet o sa mga cellular phone. Sa online facilities ay maaaring makipagtransaksiyon sa SSS kahit saan at kahit kailan.
Sa ngayon ay may limang paraan para sa mabilis na pakikipag-ugnayan sa SSS sa pamamagitan ng online facilities. Ito ay ang mga sumusunod: (1) e-center o information kiosks sa mga tanggapan ng SSS; (2) ang Mobile Service na Text SSS @ 2600; (3) pagtawag sa SSS Call Center sa 920-6446 to 55 o 917-7777; (4) sa SSS Facebook o SSSPh, e-mail address member_relations@sss.gov.ph at (5) pagrehistro sa My.SSS sa official website ng SSS na www.sss.gov.ph.
Hindi tumitigil ang SSS sa paggawa ng mga paraan upang maging mas abot-kamay ang kanilang mga serbisyo para sa kapakanan ng mga miyembro.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments