Paalala ng DOTr sa mga motorista | Drive muna bago landi

‘IKA nga, kapag nasa sasakyan, oks lang bumitaw sa nobya, ‘wag lang sa manibela, lalo na kung ayaw ninyong madisgrasya.
Matapos mapanood ng Department of Transportation (DOTr) ang viral video ng magkasintahan na ipinost ng ‘Carbazzer.tv’ sa FB kung saan makikitang naghaharutan ang couple habang nagmamaneho, agad na nagbigay ng paalala ang ahensiya na unahin ang kaligtasan bago ang pakikipaglambingan sa kasintahan habang nasa lansangan.
Ito ay dahil malaki ang posibilidad na maging dahilan ito ng kanilang kapahamakan.
Bagama’t, ayaw nilang maging killjoy at makasira ng lambingan moments, hindi siguro wasto kung kukunsintihin nila ito, gayung maaari itong makaapekto sa daloy ng trapiko.
Dagdag pa rito, kung hahayaan nila ito, maaaring gayahin ito ng ibang kabataan, lalo na ngayong grabe kung makaimpluwensiya ang social media.
Gayunman, iginiit din ng ahensiya na dapat ang lambingan ay nasa ligtas na lugar, pagkakataon at pamamaraan.
Samantala, sa ngayon ay iimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang nasabing video nang sa gayun ay magawan ng nararapat na aksiyon. Ang paalala naman sa lahat, pokus dapat tayo sa pagda-drive!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments