Gobyerno, olats sa mga komunista sa pagkalat ng impormasyon sa mamamayan?! Hmmm…
- BULGAR

- Jun 27, 2019
- 2 min read
KAWAWA talaga ang 22 mangingisdang Pinoy na nasangkot sa banggaan sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS). Nagpahayag si Senate President Vicente Sotto III na hindi raw lumubog ang FB GEM-VER 1 nang “daplisan” sila ng Chinese vessel. Batay daw sa maliit na danyos na nangyari sa nasabing bangka, hindi raw ito lumubog. Tila siguradung-sigurado si Senate Pres. Sotto sa kanyang pahayag na sinang-ayunan pa raw ng eksperto sa coast guard. Kung ganu’n, ano ang ginagawa ng mga kababayan natin nang natagpuan sila ng barkong-pangisda ng Vietnam na nakakapit sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bangka na lumubog na? Sinungaling ba ang kapitan at mga tripulante ng Vietnam vessel sa kanilang mga pahayag na basa at nanginginig sa ginaw ang mga mangingisda nang masagip sila? Hindi ba, pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Vietnam para sa kanilang tulong sa mangingisda natin? May mga litrato si Agriculture Sec. Manny Piñol na lumubog ang FB GEM-VIR 1, photoshop lang ba ang ipinakita sa media?
Sa tingin natin, kailangan nang magsalita ng mga mangingisda na walang katabing sinumang opisyal ng gobyerno at pulis na sabihin ang totoong nangyari. Hindi tayo magtatakang sa kinalaunan ay kasalanan pa nila tulad ng ipinahihiwatig ni Senate Pres. Sotto na baka hindi nakabukas ang kanilang ilaw kaya hindi nakita at natamaan ng Chinese vessel. Lahat na lang iniisip para maabsuwelto ang mga Tsino na kung iisipin, hindi maganda ang kanilang ginawa na iwanan ang ating mga kababayan sa karagatan, ito ang dapat pag-usapan.
◘◘◘
Ayon kay National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Alex Paul Monteagudo, natatalo raw ang gobyerno sa mga komunista, partikular sa CPP-NPA-NDFP sa “propaganda war”. Sa madaling salita, mas magaling daw ang mga komunista sa pagkalat ng impormasyon, kahit mali kaysa sa gobyerno. Mas naniniwala raw ang mga tao sa kanila, lalo na sa probinsiya kaysa sa gobyerno. Sinisi pa ang European Union na nagpopondo umano sa kanila, pero, hindi ba, mataas ang tiwala ng bansa sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya paano mananalo ang mga komunista kung ganyan ka-popular ang pangulo? Sa pagkakaalam natin, iilan na lang ang mga NPA sa bansa, saan napupunta ang napakalaking intelligence funds kung natatalo pa sa CPP-NPA-NDFP sa larangan ng pagkalat ng impormasyon sa mamamayan?





Comments