Bagong uwi, dudang may lover | OFW NA MISIS KINATAY NI MISTER
- Jeff Tumbado
- Jun 26, 2019
- 1 min read

DAHIL sa tindi ng galit sanhi ng sobrang selos, nagawang pagsasaksakin ni mister ang kanyang misis na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebak, Sultan Kudarat.
Namatay habang isinusugod sa pagamutan ang 39-anyos na biktima na si Daisy Villar, domestic worker sa United Arab Emirates (UAE) sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sumuko naman ang suspek na si Anjo Villar, dalawang oras matapos maganap ang insidente.
Ayon sa report ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, nangyari ang karumal-dumal na krimen sa bahay ng mag-asawang Villar sa Bgy. Poblacion Uno, pasado alas-4:00 ng hapon nitong Lunes.
Batay sa ulat na nagkaroon umano ng matinding pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa bago nangyari ang pananaksak.
Naririnig pa umano ng ilang mga kapitbahay ang sigawan at komosyon sa loob ng bahay ng mag-asawa kaya agad silang tumawag sa pulisya.
Gayunman, nadatnan ng mga awtoridad na duguan na ang biktima at nakahandusay ito malapit sa kanilang sala kung saan sinubukan pang dalhin sa ospital para isalba ang kanyang buhay.
Lumalabas sa imbestigasyon na naghihinala ang suspek na may lalaki ang biktima sa UAE.
Napag-alaman na nitong Sabado, Hunyo 22, dumating sa Pilipinas si Daisy mula UAE.





Comments