SKED NG LARO SA NCAA OPENING BINAGO NG AU


BINAGO mula sa nakagawian nang NCAA Season 95 host Arellano University ang schedule ng laro sa opening day ng Seniors Basketball Tournament.
Kung dati ay laban ng host school at ng defending champion ang pambungad na laro ng season, ang magtutuos sa unang laban ay ang second at third-ranked teams sa darating na opening day sa Hulyo 7 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakdang magtunggali para sa panimulang laban ang NCAA Season 94 runners-up Lyceum of the Philippines University Pirates at 3rd-placer Letran Knights ng 2 p.m.
Magtatapat naman sa huling laro ang reigning champion San Beda Red Lions at hosts Arellano Chiefs ng 4 p.m.
Magsisimula pa rin ng ganap na alas-12:00 ng tanghali ang opening ceremony.
Magiging triple headers din ang schedule tuwing Martes at Biyernes mula Hulyo 9 hanggang Agosto 6 kung saan magsisimula ang unang laro ng alas-12:00 ng tanghali.
Mayroon pa ring NCAA on Tour sa Season 95 at nakatakdang maging host ang Emilio Aguinaldo College (EAC) na bibisitahin ng San Beda sa Hulyo 18, Mapua na magsisilbing host para sa College of St. Benilde sa Hulyo 25, Jose Rizal University na hahamunin sa kanilang homecourt ng EAC sa Agosto 1 at University of Perpetual Help na dadayuhin ng Lyceum sa Agosto 8.
Samantala, idaraos ang unang salpukan ng nakaraang taong finalists San Beda at Lyceum sa pagtatapos ng first round sa Agosto 20 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan. (VA)





Comments