Kakulangan ng guidance counselors sa mga paaralan, bigyang-pansin!
- BULGAR

- Jun 25, 2019
- 2 min read

INIULAT ng Department of Education (DepEd) ang 22,059 kaso ng pambu-bully noong School Year 2016-2017. Sa kabila ng pagbaba ng bilang nito mula sa 32,129 noong S.Y. 2015-2016, hindi maikakailang kagulat-gulat na ganito pa rin kalaki ang sitwasyon ng “bullying” sa mga eskuwelahan.
Ayon sa depinisyon ng DepEd, ang bullying ay akto o serye ng akto na ginagawa ng estudyante sa isa pang estudyante na nagreresulta ng pisikal at mental na pang-aabuso, pangha-harass, pananakot at panghihiya.
Dahil dito, lubos nating hinihikayat ang DepEd na iprayoridad ang paglalagay ng mga guidance counselor sa lahat ng elementary at high school upang matigil na ito at mabigyang-suporta ang mga biktima.
Sa polisiya ng DepEd, dapat mayroong guidance counselor sa bawat 500 mag-aaral sa lahat ng publiko at pribadong elementarya at high school ngunit, ang Pilipinas ay may kabuuang 3,220 rehistradong guidance counselors lamang noong Hulyo 2017 mula noong unang batch ng licensure examinees noong 2008.
Sa pamamagitan ng mga guidance counselor na hasa na sa paglulutas ng ganitong uri ng suliranin, hindi lamang sila makapagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng bullying kundi maging sa mga nambu-bully mismo upang maitama ang kanilang pagkakamali at matulungan silang magbago para sa ikabubuti ng sarili at kanilang mga kamag-aral.
Tulad ng mga guro, makabuluhan ang ginagampanang papel ng mga guidance counselor dahil sila ang daan para maiwasan na sila ay maging children-at-risk o CAR, children-in-conflict with the law o CICL o ang tinatawag na juvenile offenders students.
Sa paparating na ika-18 Kongreso ngayong Hulyo, isa sa mga ihahain nating panukalang-batas sa Senado ay ang pag-aamyenda ng Republic Act No. 9258 o ang Guidance and Counseling Act of 2004 upang makakuha ang DepEd ng mas marami pang guidance counselors sa iba’t ibang paaralan.
Pag-aaralan nating maigi ang mga kailangang baguhin sa kuwalipikasyon para sa guidance counselor licensure examination na nakasaad sa Section 13 ng nasabing batas dahil sinasabing ito raw ay masyadong mahigpit ang requirements kaya kakaunti lamang ang mga guidance and counseling graduate na nag-a-apply ng lisensiya.
Ayon sa mga eksperto at doktor, pangsikolohikal na aspeto ang maaaring maapektuhan sa mga biktima ng pambu-bully.
Magdudulot ito sa estudyante ng takot, pagkabalisa at kawalan ng tiwala sa sarili, ayaw pumasok sa klase, pagkakaroon ng bayolenteng personalidad, depresyon o ang pinakamatindi ay ang pagpapakamatay.
Sa madaling salita, ang usaping ito ay hindi madali at hindi biro at solusyon para rito ay kinakailangan.
Ating tandaan na katumbas ng kahalagahan ng edukasyon ng kabataan ay ang seguridad at kaligtasan nito mula sa anumang gulo at suliranin sa paaralan, lalo na sa bullying at iba pang tulad ng masasamang gawain.
Tututukan natin ito at sana ay malutas na sa lalong madaling panahon ang kakulangan ngayon sa guidance counselors at pag-aaralan ang kakailanganing budget para sa kanilang sahod.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments