Busilak na kalooban ang kailangan ng bayan hindi ang ‘mensaheng-kamay’ ninuman
- BULGAR

- Jun 25, 2019
- 2 min read
NARANASAN na ba ninyong ma-”dirty finger”? Hindi natin alam kung bakit masakit, napakasakit ng dating nito. Ilang ulit na natin itong naranasan, lalo na habang nagmamaneho sa kalye. Tila napakaraming hindi nag-aatubiling mang-insulto, mambastos at manduro gamit ang iba’t ibang hugis ng mga kamay o kamao. Hindi na kailangang manuntok o manakit nang pisikal kaninuman. Mayroong mas mabisang paraan para maiparating ang matalas, mahapdi, masakit at magaspang na ugali kaninuman. Sapat nang alam mong gamitin ang iyong mga kamay na handang mangusap sa pamamagitan ng hugis ng mga palad, kamao o daliri, mabilis mong maipahahayag ang maganda o pangit, sumusuporta o kumokontra, humahanga o nanlilibak na mensahe sa iilan o sa nakararami. Ngayong usung-uso ang social media, higit pang mabilis palaganapin ang ‘mensaheng-kamay’.
Naalala natin noong 2017, ang pagkawala ni Kian delos Santos. Napakahirap tanggapin na sa loob ng isang umaga, bigla na lang nagbago ang pananaw at kalooban ng mga magulang ni Kian. Dinala ng mga kawani ng Public Attorney's Office (PAO) ang mag-asawang Delos Santos sa Malacañang at mabilis nagbago ang pananaw ng mga magulang ni Kian sa naturang lugar.
Hindi malayo sa nangyari kay Kian at sa kanyang mga magulang ang nangyari sa 22 mangingisdang Pinoy na binangga ng Chinese vessel at lumubog sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS). Nagulat tayong makita ang ilang crew ng FB GEM-VER 1 na inuumang ang “Duterte fist”. Kasama nila si Secretary Manny Piñol ng Department of Agriculture, tila hindi tumutugma ang kanilang malungkot na mukha sa mensahe ng kanilang matigas na kamao, ano ang nangyayari sa kanilang mga kalooban at pagkatao?
Sa Ebanghelyo noong Biyernes, sinabi ni HesuKristo, “huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan sa lupa; dito’y may naninirahang mga tanga at kalawang at may nakapapasok na magnanakaw…” (Mateo 9:19 ff) Nakalulungkot ang nangyayari sa mga mahihirap at mabababang tao sa ating bansa, malaya pa kaya silang magpahayag ng kanilang tunay na saloobin o tuluyan silang nadadala ng malakas na agos ng maling politika? Wala pang naiimpok na tunay na kayamanan ang marami ngunit, nauunahan nang ipagpalit ang tunay na kayamanan ng huwad na kayamanan na nababalot ng amag ng takot at kasinungalingan. Ito ang ‘kalawang’ na tinutukoy ni HesuKristo. Ito ang magnanakaw na hindi inaasahang darating at aagawin ang busilak na laman ng ating mga puso’t kalooban.
Nakilala natin ang mga magulang ni Kian, pero hindi natin nakilala ang 22 mangingisdang Pinoy na sakay ng FB GEM-VER 1. Anuman ang katotohanan, hindi masasabi ng ‘matigas na kamao’ ang lahat. Ano ang katotohanan sa kaso ni Kian at sa insidente ng 22 mangingisdang Pinoy?
Ang diwa, puso, kalooban, kaluluwa ang dapat tingnan at hindi ang kamaong nakaumang. Kaawa-awang kamao, kaawa-awang kalooban at tao ng mga hamak na Pilipino.





Comments