top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

VETHEALTH INDIA, HARI SA CHOOKS SECOND LEG

A. Servinio
Jun 24, 2019
1 min read

ISANG banyagang koponan, ang Vethealth Delhi 3BL ng India, ang hinirang na kampeon sa ikalawang yugto ng Chooks-to-Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup handog ng Coca-Cola matapos nilang talunin ang Phenom Basilan, 21-20, sa makapigil-hiningang championship game noong Linggo ng hapon sa SM City Fairview.

Ipinakita ng Delhi kung bakit sila ang ika-14 na pinakamahusay na koponan sa buong mundo sa pamamagitan ng mabilis na pasahan at mainit na shooting sa labas para maiuwi ang P100,000. Hindi nagpatinag ang Delhi at unti-unting lumapit at inagaw ang kalamangan, 19-18.

Tumira ng dos ang import ng Basilan na si Marcus Hammonds upang ibalik ang lamang, 20-19, at tumawag ng timeout ang mga Indian. Mahigpit ang depensa ng Basilan pero tinuldukan ni Kiran Shastri ang laban sa kanyang dos na may 3:36 nalalabi sa orasan.

Sa semifinals, tinalo ng Delhi ang Wilkin’s Balanga, 21-15, sa isang emosyonal na laban na muntik nang humantong sa away pagkatapos nito sa pagitan nina Shastri at Karl Dehesa pero naawat agad ang dalawa. Sa kabilang semifinal, wagi ang Basilan sa nag-kampeon noong nakaraang linggo sa Cebu ang Gold’s Gym-Pasig, 20-18.

Winalis ng Delhi ang Grupo A sa pamamagitan ng mga panalo kontra sa Mindoro Tamaraws, 21-15, at Thunder Pateros, 21-11. Ang Basilan ang namuno sa Grupo C matapos talunin ang Tycoon Quezon City, 21-12, at Marikina Shoemasters, 21-17.

Ang susunod na yugto ng Patriots Cup ay gaganapin sa Hulyo 6 sa SM Center Muntinlupa. Siguradong gagawin ang lahat ng mga koponang Filipino na mabawi ang korona sa mga banyaga para sa bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page