Serbisyo Caravan at ibang programa ng PCUP para sa pangangailangan ng mga maralita, ayos!


TULAD ng mga nabanggit natin sa mga nakaraang isyu ng ating kolum, ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay may inilulunsad na mga programa upang lalo pang mapagaan ang pangangailangan ng mga maralita.
Isa na rito ang Serbisyo Caravan kung saan umiikot tayo sa iba’t ibang lugar upang makapagbigay ng pinagsama-samang serbisyo ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya direkta sa mga komunidad.
Tanong: Hello, Sir Alvin! Gusto ko lang malaman kung huling caravan n’yo na ba ngayong taon ‘yung isinagawa ninyo sa Negros Occidental? Taga-Bataan kasi kami at gusto rin naming makaranas ng caravan sa aming lugar. Salamat! — Vima
Sagot
Magandang araw, Vima! Huwag kang mag-alala dahil hindi pa ‘yun ang huling caravan natin ngayong taon. Sa katunayan, mayroon pa tayong naka-schedule na mahigit 20 caravans sa nalalabing mga buwan ng 2019.
Ang susunod nating caravan ay gaganapin sa Bgy. Bayanihan Covered Court, Butuan City ngayong Hunyo 28. Abangan ninyo sa ating official facebook page na www.facebook.com/PCUPOfficial events section ang mga susunod pang schedule ng ating programa.
Maliban dito, atin ding antabayanan ang Urban Poor Privilege Card na naglalayong mabigyan ng diskuwento ang mga maralitang Pilipino na magiging cardholder ng naturang programa. Sa kasalukuyan ay nasa proseso pa ng diskusiyon ang naturang programa.
Ang isa pa sa ating three priority programs ay ang Adopt-a-Community, ito ay corporate-and-government partnership kung saan ang indibidwal o grupo ng indibidwal ay maaaring kumalinga ng urban poor community sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangkabuhayan, pangunahing serbisyo at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Makaaasa kayo na lalo pang pag-iigihan ng PCUP ang mga hakbang nito upang mapagaan ang buhay ng mga kababayan nating maralita.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments