Imbestigasyon ng Pilipinas at China sa naganap na banggaan sa WPS, tuloy!
- BULGAR

- Jun 24, 2019
- 2 min read
MATUTULOY na ang magkasamang pag-iimbestiga ng Pilipinas at China sa naganap na banggaan sa Recto Bank kasama rin ang “neutral country”. Unang tinutulan ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. ang pag-imbestiga kasama ang China dahil paglabag daw ito sa soberanya ng bansa. Marami rin ang tumutol dahil maaabsuwelto lang ang China sa pagbraso nito sa bansa, pero matutuloy na rin dahil tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok ng China na sabay imbestigahan ang insidente. Siyempre, sumang-ayon na rin si Sec. Locsin, wala namang bago riyan.
Hindi natin maintindihan kung bakit pinagtatalunan pa kung aksidente o hindi ang naganap na banggaan, gayundin, kung bakit minamaliit ng gobyerno ang insidente sa pamamagitan ng mga pahayag na “nadaplisan o nasagi lang” ang bangka ng 22 mangingisdang Pinoy? Bakit hindi iginigiit ang sadyang pag-iwan sa kanila ng mga Tsino kung ito ang hindi magandang aspeto ng buong insidente? Wala nang katotohanan na kaya umalis ang barko ng China ay dahil natakot na kuyugin ng “pito o walong bangkang Pilipino”. Alam ng China na wala silang depensa sa ginawang pag-iwan ng kanilang barko sa mga mangingisdang kailangan ng tulong habang nasa karagatan. Malamang, ito ang hindi bibigyang-halaga ng China kapag nagsimula na ang imbestigasyon.
◘◘◘
Ano kaya ang pinag-usapan ng mga mangingisda nang dalawin sila ni Vice-President Leni Robredo? Ano kaya ang kanilang saloobin sa mga pangyayari, gayundin, ang mga pangyayari nang pumasok na ang administrasyon? Walang inilabas na pahayag si VP Leni at ang mga mangingisda kundi komportable raw sila habang kinakausap ang bise-presidente.
Kapansin-pansing pagkatapos kausapin ni Agriculture Sec. Manny Piñol ang mga mangingisda ay tila iisa na ang kanilang pahayag na hindi sigurado kung sadya ang pagkakabangga sa kanila o hindi, sabay nagpalitrato habang ginagawa ang ‘kamao’ na kilalang simbolo ng pangulo. Tila minaliit pa ang pagsagip ng Vietnam vessel sa kanila sabay pahayag na hindi raw sila dapat nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Eh, bakit nandoon ang China, sinabihan ba sila? Wala ring paliwanag kung bakit kinailangang may mga pulis na naka-complete anti-riot gear sa labas ng bahay ng kapitan na si Junel Insigne.
Hindi masisisi ang marami sa paniniwala na kinundisyon sila na dapat iisa lang ang kanilang pahayag sa aksidente, bagay na magagamit ng China bilang kanilang depensa pero, bakit nga ba sila iniwan matapos silang ilawan muna bago pinatay ang ilaw at umalis? Hindi ba, lumalabas na kaya umaalis ang nasasangkot sa aksidente ay dahil alam nilang mayroon silang kasalanan?





Comments