top of page
Pokwang.jpg

Sanhi ng almoranas

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 23, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Mahilig akong kumain ng maaang­hang na pagkain dahil mas ginagana­han ako rito. Gusto kong malaman kung totoong nagdudulot ng almoranas ang pagkain ng maaanghang? Madalas kasi akong nasasabihan noon ng mga kakilala ko na baka raw magkaroon ako ng almoranas sa kakakain ko ng maaanghang. Ang problema, ngayon ay mayroon akong nakakapang laman sa aking puwit. Nababahala ako dahil baka almoranas na ito dahil dumudugo ito kapag dumurumi ako, lalo na tuwing ako ay constipated. — Radh

Sagot

Ang almoranas o hemorrhoids ay mga ugat sa puwit na namaga at lumago nang higit sa normal. Ito ay pangkaraniwang kondisyon na kadalasan ay hindi naman seryoso ngunit, nakasasagabal sa nakara­rami. Dalawa ang uri ng almoranas, may almoranas na nasa loob (internal hemorrhoids) at mayroon ding almoranas na nasa labas (external hemorrhoids). Maaaring magkasabay ang dalawang uri na ito. Magkaiba ang sintomas at paggagamot sa internal at external hemorrhoids. Bagamat, maaaring maapektuhan ng almoranas ang anumang edad, ito ay pinakakaraniwan sa edad 40-60.

Ano ang sanhi ng almoranas?

Pareho sa varicose veins ang mekanismo ng pagkaka­roon ng almoranas. Ang veins o mga ugat ang daluyan ng dugo pabalik sa ating puso. Kapag may pressure o puwersa na humaharang sa pagdaloy ng dugo pabalik sa puso, lumalaki ang mga vein. Sa ating puwit, ang pag-iri kapag nagtitibi o nagtatae ay maaaring sanhi nitong pagtaas ng pressure o puwersa na nagdudulot sa pagkakaroon ng hemorrhoids. Samantala, sa pagbubuntis o pagkakaroon ng bukol sa bahaging ibaba (tulad ng pagkakaroon ng myoma sa babae o paglaki ng prostate sa lalaki) ay maaari ring magpataas ng pressure o puwersang nagdudulot ng almoranas.

Totoo ba na ang pagkain ng maaang­hang ay nagdudulot ng almoranas?

Hindi totoong nakapagdudulot ng almoranas ang pagkain ng maaanghang subalit, may ilang mga bagay na maaaring magdulot o risk factors ng almoranas:

  • madalas na pagtitibi

  • madalas na pag-ubo, pagsusuka

  • pagbubuntis

  • pagkain ng mga pagkaing mababa sa fiber

  • pagliban sa pagdurumi

  • pagbubuhat ng mabibigat

  • pagpasok ng ari ng lalaki sa puwit o anal intercourse

Gayunman, upang makasiguro kung may almoranas, pumunta agad sa doktor, lalo na kapag nakaramdam ng iba pang pagbabago sa katawan. Makabubuti ito upang magpaek­samin at mabigyan ng kaukulang lunas, gayundin ng karagdagang payo tungkol sa kondisyon ng pasyente.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page