Sapawan sa Kamara, patindi na nang patindi

NAGKALETSE-LETSE na ang girian sa pagka-Speaker sa Kamara.
Lumalabas na ang party coalition ay nais kumopo ng maselang posisyon!
◘◘◘
KUNG makalulusot, nangangarap ang lider nito na si Mikee Romero na maging majority leader.
Kung sakali, ito ang unang pagkakataong masasapawan ng partylist representative ang traditional na kongresista mula sa kani-kanyang distrito!
◘◘◘
‘YAN mismo ang ugat kaya magkakaiba ang ulat kaugnay sa partylist coalition na binubuo ng mga partylist congressman.
Si Romero ang pinakamayamang kongresista kaya hinihinalang “nadale” niya ang suporta ng kapwa partylist representative.
Kung anong klaseng “mahika, regalo o ginto” — walang nakaaalam!
◘◘◘
ANG problema, dahil lumalabas na siya ay isa na ring aspirante, hindi maiiwasang ungkatin o bulatlatin ang kanyang track record at maging ang “court record”.
Si Mikee ay anak ng bigtime businessman na si Reghis Romero kung saan nagdemandahan ang mag-ama sa agawan sa negosyo!
◘◘◘
BUKOD dito, sinasabing pormal niyang hiniling sa isang liham sa isang prosecutor na ibasura ang kasong qualified theft kung binanggit nito ang kanyang posisyon bilang kongresista.
Isyu ito na may kaugnayan sa transaksiyon sa NFA na kinakalantari ngayon sa girian sa Kamara!
◘◘◘
LUMULUTANG na nakikipagnegosasyon si Romero kay Rep. Lord Allan Velasco na hugutin siya bilang majority leader bago makuha ang suporta ng 54-member na partylist coalition.
Dikitan ang girian sa pagka-Speaker kaya mahalagang maging solido o buo ang boto ng mga kongresista mula sa partylist!
◘◘◘
TULAD ni Rep. Velasco, wala ring sapat na track record bilang mambabatas si Romero maliban sa ulat na siya ang pinakamayaman.
Papayag kaya ang mga mayorya ng elected congressman mula sa mga distrito na sapawan ng partylist representative?
◘◘◘
PINAKAHULING ulat, inaalok naman ni dating Speaker Pantaleon Alvarez si Rep. Paolo “Pulong” Duterte na magsilbing senior deputy Speaker kung siya ay maibabalik sa dating posisyon.
Ibig sabihin, tumitindi talaga ang oposisyon laban sa mga bagitong kongresistang nangangarap na sapawan ang mga beteranong mambabatas!
◘◘◘
MALAMANG, sumasakit na ang ulo ni P-Digong dahil tiyak kinukulit siyang mag-endorso ng Speaker sa Kamara.
Matigas si P-Digong at ayaw mangialam!





Comments