top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Paghubog ng tama sa ugali ng kabataan, malaki ang epekto sa pagpapabuti sa bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 22, 2019
  • 2 min read

KATATAPOS lang natin magmisa noong nakaraang Huwebes nang marinig natin ang tunog ng nabasag na salamin at nagsisigawang mga tao. Gayunman, wala namang talagang nabasag na salamin, nationwide earthquake drill ang nangyari. Nagsipagtayuan ang mga tao at mabilis na bumaba sa hagdan palabas ng gusali.

Ang mga tao ay nagla­lakad habang nakapatong ang mga kamay sa kanilang ulo. Siniseryoso ng mga empleyado ang earthquake drill, napakaraming tao sa harap ng malaki at mataas na gusali. Gayunman, hindi na tayo tumayo at tumigil sa harap ng mataas na gusali at tuluy-tuloy tayong naglakad pabalik ng parokya. Pag­dating sa parokya, inabutan natin ang napakaraming estudyante na nakaupo sa gitna ng daan. Tinanong natin ang isang guro kung nasa labas din ba ang principal, “opo, nasa bandang itaas siya ng daan,” sagot nito.

Matapos nito ay binati natin ang principal at nakipagkuwentuhan tayo sandali. Naitanong natin kung gaano karami ang mga estudyante sa eskuwelahang kanyang pinamumunuan. “Bale, humigit-kumulang 1,800 estudyante po,” magalang na sagot ng principal. Kung iisipin, malaki ang bilang ng kanilang mag-aaral. Hindi biro ang kanilang responsibilidad at oportu­nidad na maglingkod sa pamamagitan ng edukasyon ng kabataan. Napakagan­dang pagkakataong ihanda ang kasalukuyang hene­rasyon na pamunuan ang ating bansa sa mga susunod na taon, subalit, nakaamba pa rin ang tanong na, paano matuturuan at mahuhubog ang mag-aaral upang sila ay matututo sa tamang paraan ng pamumuno sa ating mahal na bayan? Simpleng earthquake drill ang ating nasaksihan noong hapong ‘yun mula sa mga empleyado ng malaking ahensiya ng pamahalaan hanggang sa libu-libong mag-aaral ng eskuwelahan, maayos na sumunod ang lahat sa tugon ng earthquake drill. Sapat na kaya ito, handa na ba tayo sa “The Big One”?

Kasabay ng banta ng malakas na lindol, karamihan sa atin ay nakararanas ng hindi magandang sistema ng patubig. Bagama’t, ibang usapin ang tubig, mayroon itong kaugnayan sa banta ng “The Big One”? Malaking sakuna ang naghihintay sa kakulangan o kawalan ng tubig. Gayundin, ang sakuna sa bulok na sistema ng politika, paglaganap ng korupsiyon, ang hindi malutas-lutas na problema ng giyera sa iligal na droga at pagkakahati-hati ng bansa at iba pa. Mayroon ba itong kaugnayan sa lindol, sa earthquake drill? Kamakailan, tila napag-usapang ibalik ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa paaralan, bakit? Tila nakikita ang mga guro na kailangang haraping muli ang paghubog ng tama at maayos na pag-uugali, kaisipan at kalooban ng bawat kaba­taan.

Una, gawa ang kailangan at hindi salita lamang. Pangalawa, ang malinaw at matibay na values na maaari nating sundin at palaganapin. Tila, nawawala na ang mga ito tulad ng karangalan, katotohanan, katarungan, katapangan, kasarinlan, kabanalan, kababaang-loob at iba pa. Pangatlo, malaki ang ipinagbago ng kapa­ligiran. Nawala na ang da­ting kabutihan at kagan­dahang-loob na damang-dama saanman tayo magpunta.

Hindi lang krisis sa tubig, pagkain, enerhiya at kapa­yapaan ang kinahaharap natin, kailangan natin ang kakaibang “practice”. Kailangan natin ng “character drill”, ang muling pagbalik sa kalooban at pagkataong-Pinoy, kailangang yanigin at gisinging muli ang lahat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page