Mga korup na ahensiya sa bansa, bigyang-pansin!
- Ryan B. Sison
- Jun 22, 2019
- 2 min read

HINDI na bago ang salitang “korup” sa mga empleyado ng gobyerno dahil kahit malaki na ang nakukuha nilang suweldo, may pagkakataon pa ring hindi sila nagiging tapat sa paggamit ng pondo kung saan imbes na makatulong sa mamamayan, sila lang ang nakikinabang! Tsk!
Halimbawa, umano rito ang 14 opisyales ng Department of Justice (DOJ) na pinuna ng Commission on Audit (COA) dahil sa rami ng ginawang biyahe noong nakaraang taon na ginastusan ng sobrang laking halaga.
Sa kabila nito, bigo ang mga opisyal sa pagpapakita ng mga dokumento para sa kanilang travel allowance, kaya nakapagtataka kung saan nila ito inilaan at P771, 643.30 ang halaga na hindi nasuportahan ng resibo at liquidation.
Gayunman, nakalulungkot na sa bansa, kapwa mo Pilipino ang sumisipa sa’yo pababa.
Maraming nangangailangan ng pinansiyal na tulong, pero barya-barya lang kung tulungan at kung minsan pa, eh, pahirapan!
Nakatutuwa kung ang mga perang nalilikom dahil sa buwis ng mamamayan ay inilalaan talaga sa kapaki-pakinabang tulad ng pagtulong sa mga kapus-palad nang sa gayun ay mabawasan ang mga naghihirap sa kasalukuyan
Sa ngayon, pili lang ang mga bayan na maunlad sa bansa at huwag na tayong magtaka kung bakit mabagal ang pag-unlad.
Kaya ang panawagan natin sa mga opisyal ng pamahalaan, huwag ninyong samantalahin ang inyong katungkulan para makakuha ng pera na hindi naman para sa inyo nakalaan, gayundin, ang “special treatment” na madalas ninyong nararanasan sa iba’t ibang establisimyento dahil dapat lahat tayo ay pantay-pantay!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments