Pahayag ni Defense Sec. Lorenzana sa isyu ng hit-and-run sa WPS, pabagu-bago, hmmm...

SALA sa init, sala sa lamig, ito ang tingin natin sa pinakabagong pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na aksidente lang daw ang naganap sa pagbangga ng barkong 42212 ng China sa FB GEM- VER ng mga Pinoy sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS). Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi na puwedeng kontrahin ng miyembro ng gabinete. Minamaliit lang ng ilang miyembro ng gabinete ang pagtama sa FB GEM-VER na nasagi o nadaplisan lang. Kung sagi o daplis ‘yan ay hindi sana lumubog ang FB GEM- VER, natapon ang lahat ng huli nila at nalagay sa peligro ang buhay ng 22 mangingisda dahil iniwan din sila ng nakabangga sa kanila.
Dapat nagpapahiwatig ang mga opisyal ng gobyerno na may pagdududa sa mga pahayag ng mga mangingisda at baka ito pa ang gamitin ng China laban sa kanila. Kawawa ang mga mangingisda, tila may pagdududa pa ngayon sa kanilang pahayag dahil magkaiba ang pahayag umano ng kapitan at kusinero ng bangka? Sa aksidente, karaniwan naman ang may mga magkaiba munang pahayag dahil depende kung sino ang nakasaksi, pero ang malinaw at kailangang kondenahin nang husto ay ang pag-iwan sa kanila. ‘Yan ang malinaw na masamang asal at kriminal na aksiyon sa karagatan, d’yan walang pangangatwiran ang mga tauhan ng barkong 42212.
◘◘◘
Ayon kay Dr. Chester Cabalza ng National Defense College of the Philippines, ang pagbangga sa FB GEM-VER ng Chinese vessel ay maaaring mensahe sa mga Pilipinong mangingisda.
Kung mensahe ‘yan, eh, sinadya talaga ang pagbangga sa bangka, hindi ba? Hintayin na lang natin kung may magpapalaot pang mga bangka ng mga Pinoy sa Recto Bank matapos ang insidenteng ito. Ang kapitan ng FB GEM-VER ay babalik daw sa Recto Bank. Dapat lang, nasa loob ng Exclusive Economic Zone ang Recto Bank kaya walang pagbabawal sa pangingisda ng anumang bansa.





Comments