Mga mangingisdang Pinoy na nabangga ng mga Chinese sa WPS, wala nang aasahang hustisya, tsk-tsk-tsk!
- BULGAR

- Jun 20, 2019
- 2 min read
WALA NANG HUSTISYANG MAAASAHAN ANG MGA MANGINGISDANG PINOY—Sabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na wala raw sinabi si P-Duterte na nais niyang makaharap at makausap ang kapitan ng bangkang binangga at pinalubog ng Chinese militia vessel at ayon naman kay Presidential Spokesman Salvador Panelo ay wala raw plano ang pangulo na ipatawag para pagpapaliwanagin sa isyung ito si Chinese Ambassador Zhao Jianhua.
Dahil d’yan, huwag nang umasa ang mga biktimang mangingisda na mabibigyan pa sila ng justice, lalo na at sa bibig mismo ni P-Duterte nanggaling ang mga salitang “banggaan lang ng dalawang bangka ‘yan,” hu-hu-hu!
◘◘◘
DAPLIS SA TAMA NG BANGKA AT MAGIC SA PAGLOBO SA KAYAMANAN NI CUSI—Tinawag ni Energy Sec. Alfonso Cusi na daplis lang daw ang tama ng bangka na kinalululanan ng 22 mangingisdang Pinoy na binangga ng Chinese militia vessel sa West Philippine Sea (WPS).
Ganu’n ba? Eh, ‘yung biglang paglobo ng kayamanan ni Sec. Cusi na mula sa dating P162 milyon noong 2016 batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SLN) ay naging P1.355 bilyon na sa panahon ng panunungkulan niya bilang Cabinet member ni P-Duterte, eh, ano ang tawag d’yan, magic? Boom!
◘◘◘
SURVEY NA PANLOLOKO SA PUBLIKO—Sa kabila na maraming jobless Pinoy, mataas na presyo ng mga bilihin at pati na rin ang murang presyo ng NFA rice na nawala na sa merkado ay pinalalabas ng Social Weather Stations (SWS) na sa kanilang survey ay bumaba na raw ang bilang ng mga naghihirap na Pinoy sa bansa.
‘Yan ang survey na malinaw na panloloko sa publiko, period!
◘◘◘
KAILAN KAYA IPATO’TOKHANG’ NI PANGASINAN PD COL. MARANAN SI “MILLORA”?—Patuloy daw na namamayagpag ang raket na jueteng ni “Millora” sa Pangasinan.
Kailan kaya gagawa ng aksiyon si newly appointed Pangasinan PNP Director Col. Redrico Maranan para ipatokhang si “Millora”? Abangan!





Comments