top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

MAAANGKIN BA NG ‘PINAS ANG 2019 WORLD CUP?

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 20, 2019
2 min read

MAKUKUHA ba ng Pilipinas ang ikaapat nitong World Cup of Pool na korona ngayong 2019?

Ito ang pagsusumikapang mairehistro ng pagsasanib-puwersa nina Carlo “The Black Tiger” Biado at Jeffrey “Bata” De Luna pagkatapos ng anim na taong tagtuyot, sa pagsargo ngayong Hunyo 25 ng prestihiyosong bakbakang tinaguriang World Cup of Pool 2019 sa palaruan ng Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom.

Sa pagpasok sa torneong napagwagian ng Pilipinas noong 2006 (Efren “The Magician” Reyes at Francisco “Django” Bustamante), 2009 (Reyes at Bustamante uli) at 2013 (Lee Vann Corteza at Dennis “Robocop” Orcullo) at kung saan naging runner-up din ang bansa noong 2010 (Orcullo at Roberto “Superman” Gomez), bitbit nina Biado at De Luna ang panghataw na porma.

Ang momentum ni Biado ay galing sa mga podium finishes mula sa mga de-kalibreng kompetisyong sinalihan niya.

Sa pinakahuling World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar, naisalba ni Biado ang bridesmaid honors samantalang sa pinakaunang World Pool-Billiard Association (WPA) Players Championship, pinangunahan niya ang isang 2-3 finish ng mga manunumbok na Pinoy.

Bukod dito, itinuturing ding pangatlo sa pinakamalupit na cue artist sa buong mundo ang Pinoy base sa kasalukuyang talaan ng WPA.

Ang pag-asa ni De Luna, 35-anyos mula sa Quezon City ay galing sa paghablot niya ng korona sa Bogies Classic 10-Ball sa Houston, Texas noong Mayo at ang pagiging tersera sa malupit na 2019 U.S. Open 9-Ball Championship sa Las Vegas, Nevada nitong Abril. Kasalukuyan din siyang nakatuntong sa top 20 ng AZBilliards Moneyboard at nakaupo sa pang-17 baytang.

Unang sagabal sa paglalakbay ng mga Pinoy ay ang karibal mula sa Czech Republic.

Bukod dito, nag-aambisyon din ang China, katulad ng Pilipinas na unang bansa na makakakuha ng pang-apat na kampeonato.

Puntirya rin ng mga Tsino na maging unang bansa na makapagtanggol ng korona.

Nakapila rin ang gustong magwagi, ang powerhouses na USA, Germany, Austria, Albania, Greece, France, Estonia, Spain, Canada at ang dalawang koponan ng Great Britain.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page