- BULGAR
P-Digong, ‘di nagpadala sa hiyaw ng dilawan kontra China | Ang tunay na lider, umaaksiyon batay sa t
BOBI TIGLAO / BANAT
SA totoo lang, umangat ang pagkabilib natin kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi siya nagpadala sa mga hiyaw ng dilawan at media na mura-murahin ang China dahil sa insidente sa ‘banggaan’ sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS).
Isang kolumnista ang nagsabing ayaw daw ng mga Pinoy sa mga Tsino, “kapag hindi mo tutuligsain ang mga ito dahil sa nangyari sa Recto Bank ay bababa ang popularidad mo.”
Palagay natin, ang isasagot lang dito ng pangulo ay, eh, ano?
May isang kolumnista pa ang nanakot na galit na raw ang militar sa pangulo dahil sa “malambot” na reaksiyon nito sa nangyari sa WPS, baka raw sa galit nila ay magdesisyon sila na patumbahin si Pangulong Duterte.
Nakupo, kalokokohan ‘yan! Napakalaki ng tiwala ng militar sa pangulo at sa pagpapatakbo niya sa bansa.
Grabe ang pag-uulat ng ilang media, ang tawag nila sa nangyari noong ika-9 ng Hunyo ay ang “pambabangga at pagpapalubog” ng bangkang-pangisda ng 22 mangingisdang Pinoy.
Kulang ang impormasyon tungkol sa tunay na nangyari, paano masasabing pananagasa ang nangyari, eh, mismong mga mangingisda ang nagsabing tulog sila nang mangyari ang insidente?
Paano masasabing lumubog ang sasakyan nila, eh, ang daming lumabas na mga litrato na lumulutang ang kanilang sasakyan.
May ilang litrato pang naibaba nila ang kanilang mga nakuha sa pangingisda.
Ang malaking problema, may nanggugulo sa relasyon natin sa China, mayroong, ‘ika nga, nagsusulsol para makaaway natin ang malaking bansang ito.
Walang iba kundi ang Estados Unidos, ang kalaban ng Tsina bilang “superpower” sa rehiyon.
Malaki ang sabit nila sa South China Sea dahil wala naman silang pakialam doon at wala silang teritoryo sa isla.
Gustong gamitin ng Estados Unidos ang alitan sa teritoryo sa WPS para magmukhang masama ang Tsina sa mga mata ng ibang bansa.
Kaya ang kanilang mga galamay dito tulad ng dilawan at ang dating rehimeng Aquino ay panay ang banat sa Tsina para raw hindi matuloy ang pag-ookupa nila ng mga lugar sa WPS.
Sabi pa ng isang kolumnista noong isang araw: “Dapat malaman ni Pangulong Duterte na lumalakas ang sentimyento ng mga sumusuporta sa kanya dahil malambot siya sa Tsina.”
Mali ang argumentong ito. Una, paano niya nalamang ganito ang sentimyento ng mga tao?
Diyos ba siya para mabasa niya ang iniisip ng mga Pinoy? Malamang, ang maisagot ng pangulo ay ganito, “eh, ‘di manigas kayo.”
Ang tunay na lider ay ‘yung hindi nagpapadala sa sigaw ng masa kundi pinag-iisipan muna.
Ang tunay na lider ay hindi takot bumagsak ang kanyang popularidad. Umaaksiyon ito batay sa tamang impormasyon, rason at kanyang sariling eksperiyensa.